BILIN SA SARILI
walang tutulong sa akin kundi ako lang
kaya pinag-iingatan ko ang katawan,
kaisipan, at maayos na kalusugan
nakaambang aksidente'y agad iwasan
magastos ang sa ospital ka magbakasyon
naku! saan kukuha ng panggastos doon?
kumain ng gulay, karne'y iwasan ngayon
tiyaking protina, katawan mo'y mayroon
kung may kaibigan mang tumulong, salamat
ngunit tulong nilang salapi'y di sasapat
sa pamilya nila iyon, sa anak dapat
kaya ako'y patuloy lang na mag-iingat
kamag-anak ay tiyak namang tutulong din
subalit di sasapat ang tulong sa akin
tiyak na pamilya nila ang uunahin
kaya patuloy lang akong mag-ingat pa rin
dapat lang tulungan ko ang aking sarili
mga gawain ko'y dapat pinagbubuti
buhay ay gawing masaya, kawili-wili
bagamat biyudo nang lumbay ang sakbibi
- gregoriovbituinjr.
09.20.2026
