Huwebes, Hulyo 30, 2009

Kung Bangkay Mo Akong Matatagpuan

KUNG BANGKAY MO AKONG MATATAGPUAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod, 6 saknong

isang paa'y nasa hukay na sa bawat misyon
habang pinipilit na bayan nati'y ibangon
malagim man ang katotohanang yakap ngayon
dinidilig ng dugo ang bawat rebolusyon

kaya kaibigan, dapat tayo'y laging handa
lalo na't sa pakikibaka, dugo'y babaha
sa ati'y walang puwang ang pagmamakaawa
sa mga kaaway ng ating uri't ng bansa

kung sakaling bangkay mo akong matatagpuan
pagkat nalugmok ako sa matinding labanan
o dinukot at pinaslang ng mga gahaman
ay huwag kang malulumbay, aking kaibigan

pagkat mga tulad ko'y hindi iniiyakan
buhay na iwi'y sadyang inalay na sa bayan
marahil ay sadyang nais lang ni Kamatayan
na mga tulad ko'y tumula sa kalawakan

walang atrasan, kamatayan man ang harapin
nang magampanang husay ang ating simulain
titiyakin nating adhikain ay kakamtin
di tayo susuko, sa putik man ay malibing

tanging hiling ko lang na sa huli kong hantungan
na kahit papaano'y may hustisyang makamtan
di lamang ako kundi ang buong sambayanan
iyon ay pag lipunan ay nabagong tuluyan

Sa Mga Pumapatay ng Oras

SA MGA PUMAPATAY NG ORAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod, 6 saknong

sayang lamang ang oras na walang ginagawa
maghapon at magdamag silang nakatunganga
para bang ang buhay sa kanila'y balewala
ayaw kumilos at lagi nang nakatulala

ay, talaga ngang kayhirap magbilang ng poste
pagkat pagbibilang nito'y ano ba ang silbi
parang wala nang bukas ang tingin sa sarili
naiisipang magdroga at nananalbahe

sila ba'y nag-aabang lang ng mga biyaya
na para bang si Juan Tamad ay ginagaya
na naghihintay kung bayabas ay babagsak na
kaya sa tapat ng puno'y nakanganga sila

kasiya-siya ba ang pagpapatay ng oras
o ito'y gawa ng walang maasahang bukas
mahirap naman kung sila'y pulos alingasngas
nais magpatulog-tulog, bumbunan ay butas

hoy, magsigising kayong oras ay pinapatay
ayusin nyo naman ang inyong sariling buhay
at huwag pabayaang kayo'y mistulang bangkay
dahil kami sa inyo'y hindi makikiramay

halina't oras ay gamitin natin ng tama
isipin kung ano bang silbi natin sa bansa
halina't mag-isip ng anumang magagawa
para sa kinabukasan ng bayan at madla

Pasasalamat sa Inyo, Mga Kasama

PASASALAMAT SA INYO, MGA KASAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

maraming salamat sa inyo, kasama
kung mga tula ko'y inyong binabasa
pagkat ito naman ay para sa masa
at ambag sa kanilang pagkakaisa

ninanais nyo bang kayo ay handugan
ng mga tulang para sa ating bayan
o nais nyo'y tula ng pag-iibigan
turan nyo nga't kayo'y aking pagbibigyan

tula'y gamit ko sa pag-oorganisa
lalo na sa ating pagpopropaganda
isyu'y inilapat sa sining at letra
taludtod at saknong ay para sa masa

naghahabi ako ng mga salita
pinagtutugma rin ang mga kataga
para pagkaisahin pati ang madla
tungo sa pagbabagong inaadhika

ito lang naman ang aking nagagawa
ang maghandog sa inyo ng abang tula
igagawa kayo ng tulang may luha
o kaya naman mga tulang may tuwa

tula ko'y handog sa lahat ng kasama
tula sa manggagawa at magsasaka
tula sa kababaihan at sa masa
tula ng pagbangon at pakikibaka

tula'y alay sa bansa't sa ibang nasyon
alay din sa susunod na henerasyon
tula'y panawagan ding magrebolusyon
habang sigaw natin: sosyalismo ngayon!

kung sakaling tula ko'y di nyo basahin
ay di problema kahit balewalain
at pag namatay, tula ko'y di na akin
dahil mundo na ang dito'y mag-aangkin

Salamisim sa Pagkatha

SALAMISIM SA PAGKATHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ako ang bahala sa aking mga tula
pagkat ito naman ay aking mga akda
at karamihan ditong aking tinutudla
ay yaong maling sistema sa ating bansa

ngunit kung dahil sa mga tulang nilikha
ay may magagalit at buhay ko'y mawala
aba, epektibo pala ang aking tula
kaya magpapatuloy ako sa pagkatha

kaya nga ngayon panay ang aking paggawa
ng mga tulang sa maraming isyu mula
at samutsari ring sa buhay ko'y adhika
ay akin nang kinakatha para sa madla

kung sakaling nakita mo akong tulala
ako'y naghahabi lang ng mga kataga
na ginagamit ko'y sarili nating wika
upang maipadama sa masa ang katha

kaya halina't samahan akong tumula
halina't ligawan din ang mga salita
damhin din natin ang mga luha at tuwa
ng mga aping kababayan nating dukha