SA MANSYON AT SA BARUNG-BARONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig
Sa paggagala sa lansangan
Ay minasdan ko ang paligid
May mahirap at may mayaman
Lagay nila'y di nalilingid.
Ibang bayan pa't lalawigan
Yaong mga nararating ko
Doo'y akin ding napagmasdan
Lagay nila'y pare-pareho.
Sa mansyon at sa barung-barong
Nakatira ang mga Pinoy
Mayaman yaong nasa mansyon
Sa barung-barong ang palaboy.
Kasalanan bang maging dukha
At 'sang kahig, 'sang tuka sila?
Ang mayaman ba'y pinagpala
Dahil marami silang pera?
Dukha'y nagsisiksikan doon
Sa bahay nilang gawang kahoy
Habang doon naman sa mansyon
Ang nakatira'y nananaghoy.
Masasaya ang mga dukha
Kaunti man yaong biyaya.
Ang nasa mansyon ay may luha
Kahit marami namang kwarta.
Dukha'y masayang lumalamon
Sa barung-barong nilang mansyon.
Kaylungkot naman ng naroon
Sa mansyon niyang barung-barong.
Mabuti kahit ikaw'y dukha
Pagkat ang kapwa'y nililingap
Kaysa kung mukhang pinagpala
Kung sila nama'y mapagpanggap.
Mabuti pa yaong palaboy
Sa barung-barong nilang kahoy
Kaysa mansyong paliguy-ligoy
Na makakausap mo'y unggoy.
Mabuti pa sa bahay kubo
Pagkat nakatira'y kapwa mo
Kaysa naman bahay nga'y bato
Na nakatira nama'y tsonggo.