Lunes, Agosto 9, 2021

Pagpupugay sa katutubo

PAGPUPUGAY SA PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA KATUTUBO
(International Day of the World's Indigenous Peoples)

katutubo'y kilanlin
may kultura ding angkin
sila'y kapwa din natin
na dapat igalang din

sila'y hindi hiwalay
kundi kaisang tunay
may sariling palagay
sa bansa'y nabubuhay

nanggaling sa kanila
itong ating historya
bansang ito'y ano ba
sakaling wala sila

pinagkakautangan
sila ng ating bayan
niring buhay at yaman
at lupang tinubuan

ang mga katutubo'y
kapatid at kapuso,
kapamilya't kadugo
iisa ng ninuno

ang ating kalikasan
ay pinangalagaan
sila'y pahalagahan
katulad ng magulang

silang mapagkalinga
at nauna sa bansa
ninunong nangalaga
sa tinubuang lupa

katutubo't kaisa'y
ipagtanggol tuwina
at ngayong araw nila'y
binabating talaga

taos na pagpupugay
sa katutubong tunay
mula sa puso'y alay
mabuhay! O, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
08.09.2021

Sonetong handog sa PAHRA

SONETO SA IKA-35 ANIBERSARYO NG PAHRA

pagpupugay sa anibersaryo ng makamasang
Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA)
tulad ninyo'y tala sa langit na nakikibaka
upang karapatang pantao'y makamit ng masa

alam ko kung gaano kayo katapat sa laban
upang karapatang pantao'y mapahalagahan
buhay n'yo'y sa karapatang pantao na nilaan
mabuhay ang PAHRA! tunay kayong lingkod ng bayan!

ang tanging mithi ko lamang sa inyong selebrasyon
magtagal pa ang buhay ng inyong organisasyon
papel ninyo'y mahalaga sa pagkamit ng layon
upang karapatan ay igalang sa buong nasyon

ako'y nakikiisa sa misyon ninyo't adhika
muli, mabuhay ang PAHRA sa inyong ginagawa

- gregoriovbituinjr.
08.09.2021 (International Day of the World's Indigenous Peoples)

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

* inihanda ng makata upang bigkasin sa nasabing pagdiriwang kung saan naimbitahang bumigkas ng tula ang makata

Pagtindig sa wasto

PAGTINDIG SA WASTO

naririto pa rin kami, tumitindig sa wasto
kaming mga aktibista'y naninindigang totoo
ayaw maging bulag sa nangyayari sa bayan ko
ilalantad anong mali upang ito'y mabago

ayaw naming sumama sa nagbubulag-bulagan
na hinahayaang mayurakan ang karapatan
ng kapwa tao, tila kasabwat sa pamamaslang
kahit walang due process, tuwang-tuwa sa patayan

kaming ayaw ipamigay sa dayuhan ang bansa
habang pamahalaang ito'y palamarang sadya
ang Tsina'y taospusong niyakap, di na nahiya
nais nating ipagtanggol ang tinubuang lupa

tumitindig kami laban sa kontraktwalisasyon
at nilalabanan ang mga bantang demolisyon
panlipunang hustisya'y pangarap para sa nasyon
karapatang pantao'y igalang, sinuman iyon

tumitindig kami sa tama, may prinsipyong tangan
at nakikiisa sa mamamayang lumalaban
para sa katarungan, karapatan, kagalingan
dapat nang kalusin ang pagmamalabis sa bayan

- gregoriovbituinjr.
08.09.2021

* litratong kuha mula sa isang bidyo sa pahina ng isang "tarantadong kalbo" sa fb