Miyerkules, Hulyo 16, 2025

Nagkamali ng baba

NAGKAMALI NG BABA

Nagkamali na naman ng baba. Marahil ay natutulala.

Magkaiba nga pala ang babaan ng MRT at bus carousel. Pagkalampas ng Roosevelt Avenue station ng bus carousel (na katapat ay Roosevelt LRT, hindi MRT, station), bawat istasyon ng MRT ay halos may katapat na bus carousel station sa ilalim nito, mula North station ng MRT na may bus carousel, Quezon Avenue station ng MRT na may bus carousel, hanggang Kamuning station ng MRT na may bus carousel sa ilalim. Subalit hindi pala awtomatikong may MRT station na katapat ang bus carousel, umpisa ng Nepa Q-Mart station ng bus carousel, dahil walang MRT station sa NEPA Q-Mart. Medyo malayo ang bus carousel sa Main Avenue, Cubao sa MRT Cubao station. May bus carousel sa ilalim ng sumunod na MRT station ng Santolan at Ortigas na kalapit ng Shaw Boulevard MRT station.

Ganito ang nangyari sa akin nang magtungo ako sa Monumento galing Cubao kanina. Nang bumalik na ako galing Monumento papuntang Cubao, akala ko, pagdating ng Kamuning station ng bus carousel, ang susunod na istasyon na ay Cubao. Totoo iyon kung nag-MRT ka. Subalit nag-bus carousel ako. Ang sunod na istasyon ng bus carousel galing Kamuning Station ay Nepa Q-Mart station, bago mag-Cubao, Main Avenue station. Sa Nepa QMart station ng bus carousel ako mabilis na bumaba. Hindi nga ako nakalampas, nagkamali naman ng binabaan.

Nang bumaba ako sa Nepa Q-Mart, nagulat na lang ako na hindi pa pala Cubao - Main Avenue station. Nakita ko kaagad ay ang Mercury Drug - Kamias branch. Subalit nakaalis na ang bus na nasakyan ko. Kaya sinakyan ko'y ibang bus na papuntang Cubao. Buti't may kinse pesos pa akong barya.

nagkamali na naman ng baba
dahil ba ako'y natutulala?
tila sa ibang mundo nagmula
sa lungsod ba'y di sanay na sadya?

sa Nepa Q-Mart, walang istasyon
ng MRT sa itaas niyon
di iyon katulad sa North, Quezon
Avenue at Kamuning mayroon

isang malaking aral sa akin
upang di maligaw sa lakarin
dapat ang diwa ay laging gising
huwag parang pasaherong himbing

buti, iyon lamang ang nangyari
at walang nangyaring aksidente

- gregoriovbituinjr.
07.16.2025

Mapanligaw na pamagat

MAPANLIGAW NA PAMAGAT

animo'y mayroong espesyal doong ulat
subalit mapanligaw pala ang pamagat
hinggil sa pagkamatay ng isang heneral
noong panahong Philippine-American War

akala ko'y tulad kay Andres Bonifacio
na pinaslang ng kapwa rebolusyonaryo
o kaya'y tulad ni Ninoy Aquino sa tarmac
sa paglapag ng eroplano'y napahamak

tinalakay lamang ang kanyang talambuhay
walang detalye sa ulat ng pagkamatay
tanging sinabi sa ulat, namatay siya
matapos ang digma, higit tatlong dekada

bakit ganyan ay pinayagan ng editor?
bakit ba ganyan ang isinulat ng awtor?
bakit mambabasa'y kanyang inililigaw?
upang atensyon ng bumabasa'y mapukaw?

- gregoriovbituinjr.
07.16.2025

* ulat mula sa pahayagang SAGAD, Hulyo 9, 2025, p. 6

Puna sa bitay ni Bato

PUNA SA BITAY NI BATO

ang hepe ng tokhang, senador na ngayon
ay nagpanukala raw ng pagbabalik
nitong death penalty, kayo ba'y sang-ayon
bagamat ang puna ay mula sa komiks

aking sinaliksik ang mga balita
may panukala ngang gayon ang senador
subalit sa komiks ay mahahalata
pangmahirap ang death penalty, que horror

paano naman pag ang sentensya'y mali
maibabalik ba ang nawalang buhay
ano ba talaga ang kanilang mithi?
dati, gawa'y tokhang, ngayon nama'y bitay

si Pooroy, pinuna'y panukalang iyan
mahihirap lang daw yaong mabibitay
dalawang kaso nga'y suriin at tingnan
mayamang Jalosjos, dukhang Echegaray

- gregoriovbituinjr.
07.17.2025

* komiks mula sa pahayagang Remate, Hulyo 16, 2025, p.3