Linggo, Marso 9, 2025

Pag-asa

PAG-ASA

habang may buhay ay may pag-asa
lahat ay pagbabakasakali
kailangan lamang kumilos ka
upang makamtan ang minimithi

habang may buhay ay may pag-asa
kaytagal na nitong kasabihan
na nababatid pa rin ng masa
sa pagharap sa kinabukasan

kayhirap mawalan ng pag-asa
lalo na't dama mo'y laging bigo
sa harap ng tambak na problema
ay walang kalutasang mabuo

habang may buhay ba'y may pag-asa?
iyan ang panghahawakan natin
baka mayroong bagong umaga
at mga problema'y malutas din

- gregoriovbituinjr.
03.09.2025

* larawan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 9, 2025, p.11

Panawagan sa plakard

PANAWAGAN SA PLAKARD

simpleng panawagan ang nasa plakard
na tangan ng isang kababaihan
na dapat maunawaan at dinggin
nang malutas ang mga suliranin
ng masa sa kaharap na usapin

"Trabaho at Kabuhayan, Ngayon Na!"
at "Kabuhayan Para sa Lahat" pa
pati "Paalisin ang Korporasyong
Palakaya sa Fifteen Kilometrong
Municipal Waters!" ako'y sang-ayon

halina't dinggin ang kanilang tinig
at samahan silang magkapitbisig
lutasin ang mga nariyang isyu
karapata'y ipaglabang totoo
hanggang isyu nila'y maipanalo

- gregoriovbituinjr.
03.09.2025

* litratong kuha ng makatang gala noong Araw ng Kababaihan, malapit sa Mendiola

Isa na namang mental health problem na krimen

ISA NA NAMANG MENTAL HEALTH PROBLEM NA KRIMEN

ay, grabe talaga ang tampok na balita
na krimen sa kapatid na nakababata
kapatid na tatlong taon lang ginahasa
ng kanyang kuya, ulat na nakabibigla

labing-anim na taon ang suspek na praning
ginawa ang krimen nang siya na'y malasing
may mental health problem ba't ang utak na'y himbing?
napagtripan ang kapatid imbes nilambing?

batang babae'y kaawa-awa nga roon
hustisya sana'y makamtan ng batang iyon
nadakip ang suspek na tiyak makukulong
baka kaya nagawa sa droga pa'y lulong

may Republic Act na tayo, ang Mental Health Act
subalit kayrami pa ring napapahamak
marami pa ring ganyang krimen ang palasak
sugat ay di maghilom, tuloy ang pag-antak

- gregoriovbituinjr.
03.09.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, 03.09.2025, p.1 at 2, at pahayagang Pilipino Star Ngayon, 03.09.2025, p.9
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Uulan na naman

UULAN NA NAMAN

madilim ang kalangitan
nagbabadya ang pag-ulan
tulad ng inaasahan
tila may bagyo na naman

baka bumuhos na tunay
ang ulan kaya sinampay
agad pinasok sa bahay
habang aking naninilay:

kung may parating na sigwa
kung sakali mang bumaha
kahit paano'y maghanda
upang di rin matulala

ganyan naman taon-taon
tayo ba'y sanay na doon?
magsisimula sa ambon
hanggang lumakas na iyon

dapat batid ang gagawin
kung paano di lamunin
ng unos ang bahay natin
o saan lilikas man din

- gregoriovbituinjr.
03.09.2025