Miyerkules, Nobyembre 5, 2014

Lumbay

LUMBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di madalumat ang inaasahan
habang paparating na sa Tacloban
naroroon na ilang araw na lang
tatahakin pa'y isang libong hakbang

ang mata'y pikit, ang isip ay gising
sari-saring gunita'y naglalambing
at mga bagay ay pinaghahambing
lagay ba nila ngayo'y mas magaling

kaysa dati, isang taon pa lamang
di sapat upang yao'y maigpawan
kayhirap damhin ng angking kawalan
tila sugat ay di malulunasan

panahon lang ang makapagsasabi
o baka kahit panahon na'y bingi
pagkawala nila'y nakabibigti
sa damdaming di magkasya sa gabi

- sa People's Park ng Calbiga, Samar, Nobyembre 5, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Sa bahay ni kasamang Joemar

SA BAHAY NI KASAMANG JOEMAR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

payapa ang lugar
ni kasamang Joemar
sa tahanan nila
kami'y namahinga
payak lamang iyon
tatak ng hinahon
at maaliwalas
saya'y mababakas
may espiritu ba?
galang kaluluwa?

kami'y pumanaog
tungong tabing-ilog
paa'y tinampisaw
tubig ay kaylinaw
tinahak ang daan
kahit maputikan
lakad papalayo
tila sumusuyo
ng isang diwata
diwata ng diwa

may unos ang dibdib
wala mang panganib
nilandas ang liblib
kayraming talahib

- sa Hinabangan, Samar, katanghaliang-tapat, Nobyembre 5, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda