Biyernes, Nobyembre 7, 2025

Plakard sa baybayin

PLAKARD SA BAYBAYIN

sa plakard mababasa ng bayan
nasa baybayin ang panawagan
laban sa mga tuso't gahaman
na nagnakaw sa pondo ng bayan

"Ikulong na 'yang mga kurakot!"
panawagang dapat na'y bangungot
sa mga pulitikong balakyot
silang ngingisi-ngisi ang sagot

magandang batid nating basahin
yaong plakard na nasa baybayin
na panulat ng ninuno natin
sa plakard man ay ating buhayin

tara, sa plakard nati'y isulat
sa baybayin ang islogang lahat
magbabaybayin sa pagmumulat
magbabaybayin sa pagsusulat

- gregoriovbituinjr.
11.07.2025

* litrato kuha sa presscon ng Artikulo Onse sa Club Filipino

Traysikel 349 at Pepsi 349

TRAYSIKEL 349 AT PEPSI 349

muling pumasok sa diwa ang Pepsi Cola
dahil sa traysikel na nasakyan kanina
number three-four-nine ang nagpasikat sa Pepsi
nanalong milyong piso noon ay kayrami

oo, number three-four-nine ay talagang sikat
kaya Pepsi'y di na tinangkilik ng lahat
numerong tinayaan din daw sa huweteng
tres-kuwarenta'y nuwebe, numerong winning

three-four-nine, numerong nagpabagsak talaga
sa kumpanyang dating sikat, ngayon wala na
bihira nang makita ang Pepsi sa bansâ
wala na kasing bumibili, parang sumpâ

tila sabayang binoykot ng mga Pinoy
ang produktong tila sabayan ding tinaboy
pasensya po't nakwento ang Pepsi three-four-nine
dahil sa traysikel na numero three-four-nine

- gregoriovbituinjr.
11.07.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/reel/863586356089042 

Paalala para sa Disyembre 9: International Anti-Corruption Day

PAALALA PARA SA DISYEMBRE 9: INTERNATIONAL ANTI-CORRUPTION DAY

higit isang buwan pa ang palilipasin
ay talagang pinaghahandaan na natin
ang araw laban sa korapsyon at kurakot
na pondo ng bayan ang kanilang hinuthot

batid nating pinaghahandaang totoo
ay yaong araw ng karapatang pantao;
ang nakakatakot ay baka malimutan
ang mismong isyung kinagagalit ng bayan:

ang korapsyon, kurakutan ng mandarambong
sa pondo ng bayan, kaya isinusulong
kilalanin ang araw laban sa kurakot
pandaigdigang araw laban sa balakyot

ang araw bago Universal Human Rights Day
ay ang International Anti-Corruption Day
ito ang isyu ngayon,  at matinding isyu
dapat tayong lumabas sa araw na ito

huwag nating hayaang basta makalampas
ang Disyembre Nuwebe, at huwag lumipas
na parang pangkaraniwang araw, dapat ngâ
tayo'y magrali, kurakot ay matuligsâ

- gregoriovbituinjr.
11.07.2025