"Ituloy ang laban" ay kilalang islogang tibak
ito'y batid na ng bayan, panawagang palasak
makasaysayan, prinsipyo ng api't hinahamak
upang baguhin ang sistemang loko't mapanlibak
ngunit sa basketbol pala'y ginamit nang totoo
"Ituloy ang laban" sa mga kasagupang grupo
ito ba'y katanggap-tanggap o nakakatuliro
bagamat walang may-ari ng panawagang ito
maganda ngang masanay ang tao sa panawagan
marehistro sa isip nila'y "Ituloy ang laban!"
paalala sa gawa ng bayani't Katipunan
sistema'y baguhin tungong makataong lipunan
"Ituloy ang laban" nilang atleta sa basketbol
habang diwa ng islogang ito'y dapat masapol
buhay ng tibak ang sa islogang ito'y ginugol
laban sa pagsasamantalang sadya silang tutol
"Ituloy ang laban" ng dukha't uring manggagawa
tunay na kahulugan nito'y isapuso't diwa
lipunang makatao'y dapat itayo ng madla
"Ituloy ang laban" at kamtin ang ating adhika
- gregoriovbituinjr.
01.15.2022
- selfie ng makatang gala sa tarpouline ng Philippine Basketball Association (PBA) nang mapadaan siya sa Araneta Coliseum sa Cubao, Lungsod Quezon