Martes, Mayo 9, 2023

Adhika sa kalikasan

ADHIKA SA KALIKASAN

isa itong misyon para sa ating daigdigan
pagkat daigdig natin ay tahanang iisa lang
dapat nang magsaniblakas para sa kalikasan
upang bukas ng mundo't ng tao'y pangalagaan

tulad ng nagkalat na upos at basurang plastik
na kung saan-saan mo makikitang nakasiksik
di nabubulok, idagdag pa iyang microplastic
na talagang iyong madaramang kahindik-hindik

nang ang ekobrik at yosibrik ay napag-aralan
ito pala'y pansamantalang kalutasan lamang
hangga't wala pa talagang solusyong matagpuan
ang gawaing ito'y amin nang pinagsisikapan

batid na problema ng kalikasa'y patong-patong
sa munti mang paraan, nais naming makatulong

- gregoriovbituinjr.
05.09.2023

Tayabak

TAYABAK

ang nanganganib na jade vine o tayabak sa atin
ay matatagpuan daw sa mamasa-masang bangin,
kagubatan, o batis sa bansa, kung hahanapin
sa mundo'y isa raw pinakapambihirang baging

sa tuktok ng Masungi geopark ay natagpuan
ang tayabak na sa punong kaytaas gumagapang 
sa paghanap ng sikat ng araw masisilayan
yaon sa taas na dalawampung metro raw naman

pambansang kayamanan nang maituturing ito
kaya nasa likod ng bagong baryang limang piso
Strongylodon macrobotry'y ngalang agham nito
at matatagpuan naman sa Luzon at Mindoro

bagamat nakakain, madalas pandekorasyon
mga bulaklak ng baging niyon ay polinasyon 
ng paniking ligaw, ngunit nanganganib na iyon
o endangered kaya't dapat nang alagaan ngayon

dumaranas ito ng pagkasira ng tahanan
dahil sa aktibidad ng tao sa kalikasan
at mga polinador pa'y nawawalang tuluyan
ah, tahanan nila'y dapat nating pangalagaan

- gregoriovbituinjr.
05.09.2023

* ang ulat ay mula sa artikulo sa kawing na:
* kahulugan ng tayabak ay matatagpuan din sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, pahina 1236

Pabale-balentong

PABALE-BALENTONG

pabale-balentong lang sila sa paghiga
mapikit lang ang mata, sila na'y bahala
nakita ko iyan sa mag-iinang pusa
na kung pagmasdan ko'y sadyang nakatutuwa

may mga kuting na sumususo ng gatas
may kuting na ang mga paa'y nakataas
may tila bagong gising at papungas-pungas
may sa nanay ay nakasampa't anong gilas

nagpahinga na sila matapos kumain
mananaginip muli ng mga bituin
pag nagutom na naman mamaya'y gigising
mga tira ko sa isda'y ipakakain

ganyan ang buhay ng mga kuting at pusa
madalas pagmasdan ng tagapangalaga

- gregoriovbituinjr.
05.09.2023

Sa ika-148 kaarawan ni Lakambini Oriang

SA IKA-148 KAARAWAN NI LAKAMBINI ORIANG
(Mayo 9, 1875 - Marso 15, 1943)

maligayang kaarawan sa Lakambini
ng Katipunan at magiting na bayani
asawa ng Supremong tunay ding bagani
inspirasyon ka na sa kapwa mo babae

pagpupugay sa iyo, O, Dakilang Oriang!
na kasama noon sa buong himagsikan
laban sa mga mananakop na dayuhan
laban din sa mga taksil na kababayan

kay Andres ay namatayan kayo ng anak
si Gat Andres pa'y pinaslang at napahamak
subalit babae kang di nagpapasindak
ang kapara mo'y gintong uhay sa pinitak

sa kababaiha'y inspirasyong totoo
kilusang Oriang nga'y itinatag na rito
samahan itong ipinangalan sa iyo
at si Tita Flor Santos ang unang pangulo

maligayang kaarawan ang aming bati
bayani ka ng kababaihan at lahi
pagkat kalaban ka ng mapang-aping uri
sa aming puso'y mananatili kang lagi

- gregoriovbituinjr.
05.09.2023

Pagkatha

PAGKATHA

kaya ka ba tumutula, dahil di ka makwento
nais mapag-isa, laging mag-isa, nagsosolo
naalpasan ko na ang gayong yugto sa buhay ko
tinutula ko na'y isyu, mga dukha't obrero

noong bago pa'y paduguan talaga ng utak
dahil sa dyaryong pangkampus, hinahabol ang pitak
o kolum dahil may deadline, baka akda'y mapisak
tila sa utak ay may balaraw na nakatarak

noong bago pa, hanap lagi'y lugar na tahimik
at baka doon matagpuan ang isasatitik
ngayon, kahit maingay, pag-akda'y nakasasabik
makasusulat ka, wala mang isyung hinihibik

natuto ring sa papel ay di basta tumunganga
kung sa utak ay wala pang lumulutang na paksa
magkonsentra, di manghiram sa lugar na payapa
basta may sasabihin, nasusulat na ang akda

ah, di na ako nanghihiram sa katahimikan
minsan, radyo'y malakas, sa labas nagkakantahan
basta may paksa't sasabihin ka, madali na lang
bagamat may araw ding ang mga paksa'y madalang

- gregoriovbituinjr.
05.09.2023

Balayong, talusi, at pipit-motas

BALAYONG, TALUSI, AT PIPIT-MOTAS

maganda minsang magbasa ng ating diksyunaryo
dahil samutsaring salita'y matatagpuan mo
tulad sa bunga't ibon, may lokal na tawag dito
na magandang magamit sa tula, pabula't kwento

sa pulo ng Palawan, may salitang tila bugtong
ang Palawan cherry ay tinatawag na balayong
ang Palawan hornbill ay talusi, uri ng ibon
at ang Palawan tit ay pipit-motas naman iyon

mga dagdag na kaalaman sa sariling wika
at sa kapwa makata ang nabatid na salita
ito rin ang tungkulin ko, ibahagi sa madla
ang mga katulad ng nabatid kong halimbawa

sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, salamat
tunay kang sangguniang dapat naming mabulatlat
di lang kahulugan ang iyong isinisiwalat
kundi kultura at salitang nakapagmumulat

- gregoriovbituinjr.
05.09.2023

* pinaghanguan ay U.P. Diksiyonaryong Filipino, p.892