Lunes, Pebrero 10, 2014

Maraming salamat, kasamang Tado

MARAMING SALAMAT, KASAMANG TADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nang pumanaw ka patungo sa malayong lupain
dahil sa di inaasahang sakuna sa bangin
kami'y nagitla, kay-aga mong nawala sa amin
tila humagibis sa dibdib ang lamig ng hangin

mula Panday Pira'y pumalaot ka sa Sanlakas
Kamalayan, NFSC'y nakasamang madalas
naging aktibista nang lipunan ay maging patas
naging artista't sa mga pelikula'y lumabas

tatak mo ang pagpapatawa at mahabang buhok
kasamang nangarap na baligtarin ang tatsulok
tulad mo'y dumaan sa mga apoy ng pagsubok
hanggang makilala ng bayan, narating ang tuktok

marami ang sinamahan mo, di ka nakatiis
sa isyung human rights, pork barrel, kuryente'y kaybilis
tulad ng pagtaguyod sa adbokasya ng Greenpeace
Cut 'n Be Just ng Philippine Movement for Climate Justice

sa mga isyu ng bayan, kasamang nagsalita
isa rin sa nag-organisa ng grupong Dakila
sa StrangeBrew at BrewRats ay isa sa nangasiwa
ang t-shirt na LimiTado'y dinisenyo mo't likha

Kongresong Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
ay naging kaisa't kasama mo sa paglilingkod
TDC at Ating Guro'y iyo ring tinaguyod
pati laban ng manggagawang itaas ang sahod

kasama'y Bukluran ng Manggagawang Pilipino
sa pagtataguyod ng kaisipang sosyalismo
iyo ring inilathala ang dyaryong Asintado
habang binasa mo rin ang aming dyaryong Obrero

tumakbo kang konsehal ng lungsod mong Marikina
naging kandidato ng Partido Lakas ng Masa
dalawang ulit ka mang natalo'y nagpatuloy ka
nanguna ring tumulong sa binaha ng Yolanda

pinangarap mong makamit ang malayang lupain
at ang uring manggagawa'y sadyang pagkaisahin
kaya sosyalismo ang niyakap mong adhikain
ngayon, kabilang buhay na ang iyong tatawirin

sa iyo, kasama, taas-kamaong pagpupugay
nawala ka ngunit sa puso'y di ka mawawalay
salamat ng marami sa saya mong ibinigay
muli, kami'y nagpupugay, mabuhay ka, mabuhay!

* Kamalayan - Kalipunan ng Malayang Kabataan
* NFSC - National Federation of Student Councils
* TDC - Teachers' Dignity Coalition


* Si kasamang Arvin "Tado" Jimenez (Marso 24, 1974 - Pebrero 7, 2014) ay kilalang komedyante sa pinilakang tabing at isa ring aktibista. Namatay siya nang mahulog sa bangin ang sinasakyang Florida bus noong Pebrero 7, 2014 ng umaga, araw ng Biyernes, sa Banaue-Bontoc road sa Sitio Panggang, Barangay Talubin, Bontoc, Mountain Province, ayon sa ulat.