Huwebes, Disyembre 12, 2013

Itayong muli ang mga nasirang paaralan





ITAYONG MULI ANG MGA NASIRANG PARAALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa pagdaluyong ni Yolanda'y pawang nangasira
ang maraming paaralan, mga ito'y binaha
atip ay tuklap, dingding at gamit ay nangabasa
ang matikas na paaralan ay naging dalita

ngunit di nagiba ni Yolanda ang diwang banal
ng guro upang mga bata'y lumaking marangal
gusali lang ang nasira, hindi ang pag-aaral
paarala'y tatayo pa ring kapara'y pedestal

tunay ngang mahalaga kaysa gusali ang buhay
kaya buhay ng tao'y dapat manatiling tunay
gayunman, gunitain natin ang mga namatay
pati na nakaligtas, tayo'y kanilang karamay

itayo muli ang mga nasirang paaralan
muli tayong bumangon para sa kinabukasan
edukasyon ng mga bata'y tunay na puhunan
lalo ang damayan sa sandali ng kagipitan

* ang mga larawan ay kuha noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda

Pagdatal sa St. Vincent Ferrer Parish sa Canramos, Tanauan, Leyte

PAGDATAL SA ST. VINCENT FERRER PARISH SA CANRAMOS, TANAUAN, LEYTE
(Disyembre 3-4, 2013)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pangatlong araw ng malayong paglalakbay
sakay ng trak, narating din namin ang pakay
isa sa ni-Yolanda't wasak na barangay
na kung naroon ka'y mapaluluhang tunay

maluwalhati namang nakarating kami
sa barangay Canramos sa Tanauan, Leyte
sinalubong agad ng kura na si Padre
Joel na tumanggap sa aming anong buti

nakawawarat ng puso ang mga kwento
ng mga nakaligtas sa dumagsang bagyo
maya-maya'y nagtulungan ang mga tao
sa paghakot sa trak ng mga kargamento

kaban-kaban, may maisasaing na bigas
may tubig, delatang karne norte't sardinas
di dapat magutom, may malulutong sopas
may mga timba, kumot, banig, at tsinelas

tila isang bangungot kung iyong pagmasdan
ang buhay at bahay nila't kapaligiran
kayrami ng kwentong sadya kang masasaktan
pagkat nagdulot ng siphayo't kamatayan

doon sa simbahang iyon kahit maliit
may samutsaring kwentong sa puso'y pupunit
kinabukasan, nagpaalam na masakit
ang puso sa danas na di dapat mawaglit
* ang mga larawan ay kuha noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda

Wasak din kay Yolanda ang paliparan

WASAK DIN KAY YOLANDA ANG PALIPARAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nadaanan namin ang paliparan sa Tacloban
dinaluyong din at ilang bahagi'y natuluyan
sira ang paligid, tila tanggal din ang bubungan
ngunit buong istruktura'y nakatayo pa naman
habang tanaw ang eroplano sa di kalayuan

ayon sa tagaroon, tigil daw pansamantala
ang serbisyo ng paliparan dahil na-Yolanda
kailangang mag-ayos at baka isang buwan pa
bago daw muling gamitin at magsilbi sa masa
nangyari'y sadyang panimdim subalit may pag-asa

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa Tacloban, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda