Biyernes, Oktubre 2, 2009

Karapatan at Kalikasan

KARAPATAN AT KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

tayong tao raw ang tagapangalaga
nitong kalikasang bigay ni Bathala
ngunit ngayon tayo'y tagapangasiwa
nasa diwa'y tubo sa pamamahala

"yaong mga puno'y sibaking tuluyan
gawin nating troso upang pagtubuan
at nang mga ito'y maging kasangkapan
at malaking ambag pa sa kaunlaran"

at ang dugtong pa ng kapitalista:
"itapon sa dagat ang mga basura
na pawang nalikha sa ating pabrika
at nang makatipid sa tuwi-tuwina"

"pati mga usok, itaboy sa hangin
itapon ang dumi sa may papawirin
mga dagdag karbon pa'y ating sunugin
ito nama'y para sa pag-unlad natin"

sadyang kawawa na itong kalikasan
winawasak para lamang pagtubuan
di na iniisip ang kinabukasan
kundi tubo, tubo, tubo lamang

karaniwang tao'y laging nagtatapon
ng mga basura dito, diyan, doon
kung saan-saan lang, tila sila maton
di na iniisip ang mahihimaton

karapatan natin ang pangalagaan
itong kalikasan at kapaligiran
at di karapatang gawing basurahan
itong mundong ating pinaninirahan

Rm. 378, KT Hotel, Bangkok, Thailand

Labanan Natin ang Nukleyar

LABANAN NATIN ANG NUKLEYAR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Basura ng nukleyar ay saan ibabaon
Saang lugar sa mundo ligtas itong ikahon
Kung ito'y mabaon man at lupa ang lumamon
Paano natitiyak na tayo'y ligtas doon

May maayos ba tayong matatanggap na tugon
O wala pa, ang buhok man natin ay malugon
Kahit mailagak pa ito ng ilang taon
Baka sa kaunting pag-uga ito ay bumangon

October 14 Memorial Hall, Bangkok, Thailand
Oktubre 1, 2009

Utang kay Inang Kalikasan

UTANG KAY INANG KALIKASANni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

sadyang kayrami na ng utang
natin kay inang kalikasan
kinalbo na ang kabundukan
at puno'y di pa pinalitan

di maalalang pagtaniman
ang kanilang pinagputulan
nais lang nilang pagtubuan
ang mga punong naririyan

kaya pag may nangyaring sigwa
at buong bayan ang binaha
na lumunod sa mga dukha
sisisihin pa'y maralita

gayong sila'y kaawa-awa
wala na ngang sariling lupa
sa kabuhaya'y walang wala
tinataboy pang parang daga

ang nais ng mamumuhunan
ay kung paano pagtubuan
ang ating mga likasyaman
at wala silang pakialam

sa ating Inang Kalikasan
kaya sino ba ang may utang
sa pagwasak sa kalikasan
ang mahirap o ang mayaman

tayo rin ang makasasagot
sa tanong na itong sumulpot
sino ba ang dapat managot
sa nangyaring delubyong salot

yaon bang mga mapag-imbot
sa yamang nais makurakot
o dukhang sa puso'y may kirot
pagkat buhay ay isang dakot