Huwebes, Setyembre 27, 2012

Tim Yam Goong


TIM YAM GOONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

masarap ang katawan, ang ulo'y tinatapon
ganyan lang pag kainin ang masarap na hipon
lumulutang sa sabaw ang inulam ko ngayon
maanghang man subalit malasa ang tim yam goong

limang uri ng ulam yaong aming kinuha
pinili ko'y tim yam goong pagkat baka malasa
ingles ang nasa menu't iyon lang ang naiba
sa litrato pa lamang ay katakam-takam na

yaong mga kasama'y umiwas na sa anghang
na sa Mae Sot ay laging panlasa sa kainan
ngunit ako sa anghang ay walang pakialam
anumang lasa'y kain pagkat hipon ang ulam

kaysarap din ng sabaw na halos maubos ko
ang katwiran ko lamang, minsan lang naman ito
at pagbalik sa bansa, sa utak ko'y plinano
susubukang magluto ng tim yam goong na ito

- sa kainang The Hub, Khao San Road, sa Bangkok, gabi ng Setyembre 26, 2012

* ang goong ay binibigkas ng isang pantig, o "gung" (tim yam gung)

Paglilimayon sa Khao San Road


PAGLILIMAYON SA KHAO SAN ROAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pagkagising, dama’y gutom, nagkayayaan
kumain muna’t maglibot sa daang Khao San

nananghalian sa McDo, tabi ng otel
ang large na Coke, halos kalahati ng pitsel

manok ngang doon, sa karaniwa’y malaki
pati na ang kanin nila’y sadyang kayrami

tinalunton namin ang maraming tindahan
sinuot ang mga eskinita’t lansangan

nagbasa-basa sa Book Sale ng tindang libro
mga kasama’y namili ng panregalo

Mae Sot, Burma, Bangkok, Khao San, isang gunita
na lamang ba’t babalikan na lang ng diwa?

mga karanasan itong nagbigay-buhay
para sa adhikaing nagbibigay-kulay

tungo sa pagbabago’t paglayang hangarin
na ngayo’y iniingatan sa puso namin

di sapat ang ilang araw na pagmamasid
upang makitang lahat tayo’y magkapatid

na nagnanais ng tunay na demokrasya
at pagbabago nitong bulok na sistema

- Bangkok, Setyembre 26, 2012

Di Sapat ang Demokrasya


DI SAPAT ANG DEMOKRASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

habang nasa otel at sa aircon ay nanginginig
napapaisip ako kung ano ang tamang tindig
sapat ba yaong demokrasya sa Burma'y makamtan?
pangulo'y mapalitan, gubyerno'y maging sibilyan?
di sapat ang mga ito, usal ko sa sarili
ngunit hakbang ito sa kanilang pagsasarili
dapat ang masa'y magkaisang bunutin ang tinik
upang unti-unti yaong demokrasya'y magbalik
may demokrasya kapalit ng bulok na sistema
may demokrasya ito ma'y lipunang sosyalista
demokrasya'y pag-iral sa madla ng kalayaan
kapitalismo't sosyalismo'y uri ng lipunan
demokrasya'y pamamaraan ng pamamahala
sa sosyalismo'y manggagawa ang mamamahala
kaya't sa pakikibaka'y ating pakaisipin
ang bawat pakikibaka ba'y ano ang tunguhin
demokrasya'y unang hakbang lamang, mga kasama
mahalaga'y paano babaguhin ang sistema
mas mahalaga'y anong lipunan ang itatayo
na obrero't di elitista yaong mamumuno

- sa Rm. 414 ng Khao San Palace Inn sa Khao San Road sa Bangkok, Setyembre 26, 2012