noon, panahon ni Makoy, panahon ng ligalig
yurak ang karapatan, laksa'y nawalan ng tinig
lagim ng diktadura'y kayrami nang pinag-usig
maraming nangawala, pinaslang, laya'y nilupig
ngayon, panahon ng ligalig ay muling naulit
bagong namumuno'y diktador palang anong lupit
kayraming mahihirap ang pinaslang, iniligpit
ang bagong lider animo'y nawalan na ng bait
sa pagbabalik ngayon ng panibagong ligalig
ang sambayanan ay dapat muling magkapitbisig
upang tiranya'y labanan hanggang ito'y malupig;
sa prinsipyo, dangal at paglaya tayo sasandig
huwag tayong manghina, patuloy tayong lumaban
ang bayan nating ito'y iligtas sa kasawian
- gregbituinjr.
* ang tulang ito na may 15 pantig bawat taludtod, ay nilikha at binasa sa harap ng mga dumalo sa aktibidad ng People's Campaign Against Tyranny (PCAT) sa Bantayog ng mga Bayani, Hunyo 10, 2017
* maraming salamat sa PCAT sa pagbibigay ng pagkakataon upang makapag-alay ng tula sa nasabing aktibidad