Miyerkules, Oktubre 19, 2011

Ang Nagwawalanghiya pa ang Pinagpapala

ANG NAGWAWALANGHIYA PA 
ANG PINAGPAPALA
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sinipsip nila ang ating lakas-paggawa
na madalas ay di binabayarang tama
ibinabaon tayo sa pagiging dukha
kahirapan pa natin ay pinalalala

pag nalugi naman ang kanilang kumpanya
manggagawa'y sisisihin dahil nagwelga
pinagpapala pa'y mga kapitalista
ng gobyernong kauri nila sa burgesya

pag ang bansa'y nagkaproblema sa panggugol
obrero'y tanggal, buhay ng dukha'y sasahol
pag may krisis, bangko pa ang pinagtatanggol
sa kapitalista'y di sila makatutol

bakit ba yaong mga nagwawalanghiya
ang siyang sa mundong ito'y pinagpapala
kapitalista'y sinambang tila Bathala
habang itsapwera ang manggagawa't dukha

globalisasyon ang lumikha nitong krisis
obrero'y unti-unti nilang tinitiris
karapatan ng masa itong pinapalis
turing ng kapitalismo sa masa'y ipis

habang mga bangkong tuloy sa pagkalugi
tutulungan ng gobyernong mapagkandili
di sa kanyang mamamayan, kundi sa imbi
tila sumumpang bangko'y tutulungan lagi

kapitalismo nga'y walanghiya't kaysakim
sa puso'y dumuduro't nagdulot ng lagim
sa bituka nati'y gumuguhit, matalim
hanggang magsuka tayo ng dugong nangitim

palitan na natin itong sistemang bulok
sa pagbabago lahat tayo'y magsilahok
mga sektor, dukha, babae, tagabundok
uring manggagawa'y ilagay na sa tuktok