Lunes, Pebrero 17, 2014

Mapanghimagsik din ang mga makata

MAPANGHIMAGSIK DIN ANG MGA MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mga kasama hanggang ngayon ay walang proyekto
sa mga propagandista't manunulang tulad ko
sila'y tila nabababawan sa pagtulang ito
tila ba ito'y di sangkap sa tagumpay ng rebo

tingin nila'y pansarili lang ang aking pagtula
ngunit nang rebo'y niyakap, sarili na'y nawala
pulos pulitika't pagbabago ang inadhika
kitang-kita lahat iyon sa bawat mga katha

tingni, sa tula'y bihirang pansariling hangarin
pagkat bawat tula'y rebolusyon ang diwang angkin
kung minsang may pag-ibig, ito'y mapanghimagsik din
laban sa bulok na sistemang dapat lang baguhin

hindi ba't rebolusyon din ang bawat kong pagtula
sapagkat nakapagmumulat at nakahihiwa
ng may balat-kalabaw at reaksyunaryong diwa
mapanghimagsik din yaring tulad naming makata

Di man natuloy ngayon sa payaw

DI MAN NATULOY NGAYON SA PAYAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 na pantig bawat taludtod

ako'y umuwing lalawigan, nangarap sumama
sa payaw, kahit sa laot ay mag-isang buwan pa
isa iyong misyong noon pa'y pinangarap ko na
buhay sa laot ay maikwento ko't maibida

nais kong lumikha sa laot ng maraming tula
hinggil sa buhay at isyu ng ating mangingisda
habang naroroon sa payaw na malaking bangka
sa tula'y ilarawan ang kanilang ginagawa

mula Batangas, abot ng Palawan, at saanman
pag maalon, may unos, payapa ang karagatan
mga mangingisda ba'y anong naging karanasan
pag may panganib, paano nila nalulusutan

wala pang iskedyul ng payaw, ang sabi sa akin
mahal ang gastos, paano kung ako'y mahiluhin
pag nagkaaberya, baka ako pa'y problemahin
di raw sanay sa laot, baka di ko raw kayanin

takot silang ako'y sumama, di raw mangingisda
sagutin pa raw nila pag may nangyaring di tama
sapat bang doon sa aplaya lang ako kakatha?
di ba't mas maiging sa payaw lilikha ng tula?

ngunit misyon ko'y pangarap na di ako aayaw
lilikhain ko'y mga tula ng danas sa payaw
misyon ko'y tutuparin ko rin pagdating ng araw
at aklat ko mula sa laot, sa madla'y hahataw