Martes, Enero 11, 2022

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

minsan, lulan akong inip
sa tabi ng tsuper ng dyip
may paalalang nahagip
na agad namang nalirip

paalalang tunay naman
nang disgrasya'y maiwasan
"tingin muna sa likuran
bago buksan ang pintuan"

payong tunay ang abiso
sa bababang pasahero
nang siya'y maging alisto
di mahagip ng totoo

ng parating mang sasakyan
o tao mang nagdaraan
"tingin muna sa likuran
bago buksan ang pintuan"

oo, iniingatan ka
sa kanan tumingin muna
upang di ka madisgrasya
upang di makadisgrasya

- gregoriovbituinjr.
01.11.2022

* litratong kuha ng makatang gala minsang sakay ng dyip patungong opisina

Exchange gift

EXCHANGE GIFT

katatapos lamang ng masigabong pagdiriwang
bawat isa sa kanila'y may pangregalo naman
ano kayang matatanggap mula sa kapalitan
sana'y bagay naman sa iyo't iyong magustuhan

hanggang isang larawan ang nakapukaw sa isip
na pag pinagmasdan mo'y iyo agad malilirip
inaalay ng puno'y anong gandang halukipkip
habang ang tao'y kasamaang walang kahulilip

mabuti pa ang isa'y bunga ng kanyang paggawa
habang ang isa naman ay palakol na hinasa
hanggang sa pagdiriwang ba naman ay may kuhila
parang tunggaliang kapitalista't manggagawa

bakit puputlin ang punong nagbibigay ng prutas
kundi upang tumubong limpak-limpak ang pangahas
nais laging manlamang, sa kapwa'y di pumarehas
ah, paano ba kakamtin ang makataong landas

maiiwasan ba natin ang mga tusong imbi
na nais kumita ng milyon, perang anong laki
kung magbigayan sana'y para sa ikabubuti
ng kapwa, tanda ng pagkatao, di pangsarili

- gregoriovbituinjr.
01.11.2022

* litrato mula sa google

Kape't tula sa umaga

KAPE'T TULA SA UMAGA

tuwina'y kape't tula ang almusal ng makata
bago umalis ng bahay at maglingkod sa dukha
bago kumilos sa kalsada at sa manggagawa
mag-aagahan muna't magpapalakas ngang sadya

isasawsaw ang pandesal sa kape, anong sarap!
buti nang umalis ng busog kahit naghihirap
upang tuparin ang tungkulin, kamtin ang pangarap
lipunang makataong walang trapong mapagpanggap

gigising at babangong tula ang nasa isipan
habang iniinda ang mga sugat ng kawalan
isusulat sa kwaderno ang mga agam-agam
iinom ng kape bagamat amoy ang tinggalam

almusal ay kape, salita, saknong at taludtod
samutsaring tula'y katha kahima't walang sahod
katagang nahuli sa mga patak sa alulod
habang inilalarawan ang mga luha't lugod

- gregoriovbituinjr.
01.11.2022

tinggalam - sa Botanika, mabangong uri ng palutsina, UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1258