Huwebes, Agosto 14, 2025

Ang pamanang nailcutter

ANG PAMANANG NAILCUTTER

ang aking mga kuko'y kayhaba na pala
kaya nailcutter ay agad kong hinagilap
ang nailcutter pa ni misis yaong nakita
binili kong nailcutter ay di ko mahanap

habang nagtitipa sa kompyuter ng akda
ay naiirita sa mahahabang kuko
mabuti't kuko'y naputulan ko nang sadya
kaya maginhawa nang magsulat ng kwento

pamanang nailcutter ay may ngalang Liberty
pinaukitan ni Libay ng ngalan niya
at isa sa mga gamit niyang kayrami
na talaga kong iniingatang pamana 

nailcutter ni misis, may logo pang nalagay
Philippine Association of Social Workers,
Incorporated o PASWI, dito si Libay
ay kasaping kaytagal pagkat social worker

maraming salamat sa pamanang naiwan
naalala muli ang nawalang kapuso
kahit paano'y umalwan ang pakiramdam
sa kabila ng nararanasang siphayo

- gregoriovbituinjr.
08.14.2025

Hangin

HANGIN

tila may dumamping hangin sa pisngi
amihan, habagat, may unos muli?
ang kalagayan ko'y pinagbubuti
upang sa ginagawa'y manatili

pangarap ko pa rin ang makatapos
sapagkat kailangan ng diploma
magkakatrabaho ang may natapos
ay, kayhirap humanap ng kwarta

at mabuhay sa kabila ng hirap
mag-working student, may konting sahod
matupad ko pa kaya ang pangarap
upang magiging pamilya'y malugod

muli, sa pisngi'y dumampi ang hangin
tila sinabing magpatuloy ako
at mga pinapangarap ay kamtin
pagsusumikapang magkatotoo

- gregoriovbituinjr.
08.14.2025