animnalibong estudyante at pakuldad
ay nagkaisang maglinis ng tabing-dagat
Marinduque State College, nagsamang lahat
upang kalikasan ay malinisang sukat
aba'y oo, bawat tao'y may karapatan
sa maayos at malusog na kalikasan
kaygandang ulat, tunay itong kagalakan
inspirasyon kayo sa mga bayan-bayan
humayo't magkaisa, huwag manahimik
naging karanasan ninyo'y kahindik-hindik
pagkat Marcopper sa inyo'y nagpatiwarik
tahanan, bukid, naging minahang maputik
ang isinagawa ninyo'y makabuluhan
para sa hinaharap at kasalukuyan
ang Coastal Clean Up sa mga dalampasigan
at Unity Eco-Walk sa apat na bayan
ang halimbawa nyo'y dapat tularang tunay
nang kalikasan ay gumanda na ang lagay
kaya Marinduque State College, mabuhay!
sa inyo'y taospuso kaming nagpupugay!
- gregbituinjr.
(Ayon sa ulat ng Abante Tonite, Abril 22, 2018, pahina 2, aabot sa 6,000 mag-aaral, empleyado at mga guro ng Marinduque State College ang lumahok sa isinagawang Unity Eco-walk at Coastal Clean Up sa apat na bayan ng lalawigan ng Marinduque noong Abril 20, 2018, Biyernes ng umaga, at nilinis ang mga baybayin sa Bayan ng Boac.)