Linggo, Abril 25, 2021

Sa lilim ng puno

SA LILIM NG PUNO

matapos dumalo sa programang pangkalikasan
ay namasyal naman ang magsing-irog sa liwasan
mapuno, mahangin, kaysarap ng pananghalian
habang kung anu-ano lang ang napapag-usapan

nagyaya lang si misis na doon kami'y dumalo
pagkat isang ninang namin ang nagsalita rito
Earth Day iyon, tatlong taon na iyon, ang tanda ko
nakinig kami't maraming napag-aralang bago

kapwa suot ay lunting tshirt na may sinasabi
sa kanya'y kay Pope Francis, may-akda ng Laudato Si
akin naman ay panawagan ng Save Sierra Madre
nangangahulugang sa mundo, kami'y magsisilbi

kaysarap ng aming pahinga sa lilim ng puno
na pinag-usapan ay punong-puno ng pagsuyo

- gregoriovbituinjr.

* ang litrato'y selfie ni misis noong Earth Day 2018 sa Ninoy Aquino Wildlife sa Lungsod Quezon

Community pantry sa Timor Leste

COMMUNITY PANTRY SA TIMOR LESTE

nakakatuwang balita dine:
"Nakarating na sa Timor Leste
ang diwa ng community pantry"
salamat, mga bagong bayani

sadyang nakakuha ng atensyon
ang bayanihan nating mayroon
sadyang diwa ng damayan ngayong
may pandemya't nagtutulong-tulong

ang Timor Leste'y katabing bansa
sakop ng Indonesia't lumaya
nabatid ang bayanihang diwa
na kanilang tinularang sadya

maraming salamat, Timor Leste
sa tinayong community pantry
bayanihang di makasarili
ang sa mamamayan nagsisilbi

- gregoriovbituinjr.

Gobyernong praning


GOBYERNONG PRANING

aba'y desperado talaga ang gobyernong praning
na pati nagbabayanihan ay nire-redtagging
palpak kasi't inutil ang puno nilang si Taning
na ang pamamaslang para sa kanya'y paglalambing

ayaw ng mga hayop sa nangyaring bayanihan
dahil nauungusan nito ang pamahalaan
kaya community pantry ay nire-redtag na lang
produkto ng kanilang matinding kainutilan

nasanay kasi ang gobyernong manakot ng tao
sanay pumaslang, walang galang sa due process of law
sinanay lang pumatay, kumalabit ng gatilyo
kaya walang respeto sa karapatang pantao

sana'y matapos na ang kagunggungang pangre-redtag
dahil nagdadamayan ang tao't walang nilabag

- gregoriovbituinjr.

Napakagandang prinsipyo ng community pantry


NAPAKAGANDANG PRINSIPYO NG COMMUNITY PANTRY

sabi: Magbigay ayon sa kakayahan
Kumuha batay sa pangangailangan
anong ganda nitong prinsipyo't islogan
mula sa puso ng nagbabayanihan

ito ang gabay sa community pantry
magbigay, huwag maging makasarili
mag-ambag sa kapwa't di ka magsisisi
magbayanihan ang prinsipyong kaytindi

pagkatapos, ire-redtag lang ng gunggong
tinulad pa sa mansanas ng ulupong
tila ba ayaw nilang may tumutulong
wala kasi silang papatayin doon

ulupong na nangre-redtag, alis diyan
kung bayanihan ay di maintindihan
kayong mapangwasak sa diwang damayan
ay magsibitiw na't tuluyang lumisan

- gregoriovbituinjr.