araw ng kalayaan daw dahil bansa'y lumaya
mula sa pagsiil ng mananakop na Kastila
ngunit napailalim sa Amerikang kuhila
naging malaya na nga ba ang tinubuang lupa?
hindi, pagkat nagpalit lang ng bagong panginoon
mula Espanya'y naging Amerika naman iyon
bansa'y binili ng dolyar na dalawampung milyon
iyan ba, iyan ba, ang paglaya nilang nilayon?
nagpalit lang ng panginoon, naging malaya na?
tuwang-tuwa sila't tinanggap nila'y "demokrasya"
kaya marami pa rin ang totoong nakibaka
pagkat bagong poon ang namahala sa kanila
nagdeklara ng paglaya'y isang pangulong sutil
may alam sa Supremo't Heneral Luna'y pagkitil
tinamong “laya” ng bayan ay patuloy na sikil
na tila minana ng mga pulitikong taksil
araw lang iyon ng deklarasyon ng kalayaan
deklarasyon lang kahit di pa lumaya ang bayan
kaydilim pa rin ng kalagayan ng sambayanan
milyon pa rin ay dukha't walang pagkain sa pinggan
- gregbituinjr.
12 Hunyo 2017