Huwebes, Marso 24, 2022

Senador Luke

SENADOR LUKE

abogado ng masa, palaban
mapanuri sa isyung pambayan
siya'y talagang maaasahang
ilaban ang ating karapatan

ngalan niya'y Ka Luke Espiritu
ang ating Senador ng obrero
at kinatawan ng pagbabago
panlaban sa dinastiya't trapo

misyon ay baguhin ang sistema
para sa panlipunang hustisya
kalusin ang mapagsamantala
pati bundat na kapitalista

misyong baligtarin ang tatsulok
durugin ang trapong nakasuksok
sa bulsa ng negosyanteng hayok
sa tubong sa likod nakaumbok

trapo't dinastiya na'y sugpuin
hustisyang panlipunan ay kamtin
Luke Espiritu, kasangga't atin
sa Senado'y ipagwagi natin

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022

Lakbay

LAKBAY

naglalakbay muli ang diwa
sa naroong di matingkala
na pilit kong inuunawa
pagkat sanhi ng mga gatla

kung saan-saan na sumakay
ang diwang patuloy sa nilay
sa dyip, sa tren lumulang tunay
sumakay ng di mapalagay

anong kahulugan ng bulok
at pagbaligtad ng tatsulok
dahil ba trapo'y nasa tuktok
na nananalo kahit bugok

bakit nga ba kalunos-lunos
ang buhay ng api't hikahos
saan kukunin ang pantustos
kung mga dukha'y laging kapos

lipunan pa ba'y aaralin?
kayhaba ba ng lalakbayin?
mga tulay ba'y tatawirin?
at tula ba'y patatawarin?

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022

Pagdiga

PAGDIGA

O, sinta't magandang binibini
diwata kang kabigha-bighani
na nasa puso ko't guniguni
pag-ibig mo ang sana'y maani

mga matang sadyang nangungusap
sana puso kong iwi'y matanggap
ng diwata kong pinapangarap
upang labi'y mahagkan kong ganap

tanggapin mo ang rosas na ito
rosas na tanda ng pag-ibig ko
pulang rosas, pulang-pulang ito
kulay ng kagitingang totoo

tanggapin nawa yaring pag-ibig
at sasaya ang ating daigdig
ang OO mo'y nagpapahiwatig
ng tapat kong pagsuyo't sigasig

salamat sa iyo, aking sinta
sinagot ako'y isang sorpresa
siyang tunay, iniibig kita
magkaanak sanang sandosena

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022

Kaytinding virus

KAYTINDING VIRUS

bago pa ang pandemya ng COVID
ay dama na sa mundo't paligid
ang virus na kaytinding pumatid
ng buhay ng maraming kapatid

kaytinding virus, di matugunan
at di rin ito mapag-usapan
dahil dukha lang ang tinamaan?
at di ang mayayamang iilan?

mabuti pa nga ang COVID 19
at buong mundo'y nagbigay pansin
laksa'y namatay, mayayaman din
walang sinino ang COVID 19

ngunit ang virus ng kagutuman
na naging salot sa daigdigan
pumatay ng laksang mamamayan
ay di man lang napapag-usapan

bakit? bakit ganyan ang naganap?
dahil tinamaan ay mahirap?
at di mayayamang tuso't korap?
pag kagutuman, walang mangusap!

subalit pagkain ang bakuna
paglutas dito'y di ba makaya?
dahil kapitalismo'y sistema?
mapangyurak sa dangal ng masa?

nalalantad ang katotohanan
mayaman kasi'y di tinamaan
kaya di mabigyang kalutasan
ang virus: ngalan ay KAGUTUMAN!

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022
* litrato mula sa google

Sa aking daigdig

SA AKING DAIGDIG

mga tula ang aking daigdig
kasama'y obrerong kapitbisig
mga prinsipyado't tumitindig
sa isyu't sa masa'y nananalig

sa daigdig ko'y kayraming tula
na kinatha para sa dalita
pinagsasamantalahang dukha
at mga naaping manggagawa

obrero't dukha ang aking guro
pakikipagkapwa ang tinuro
sa api pumipintig ang puso
at di sa mga trapong hunyango

sa daigdig ko'y kinathang tunay
ang mga tula ng paglalakbay
na sa pag-iisa'y naninilay
na ang paglikha ng tula'y tulay

tulay ng pagkakaunawaan
tulay sa hustisyang panlipunan
tulay ng galangan, kagalingan
at tulay sa pagkakapatiran

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022