Linggo, Pebrero 16, 2025

Paumnahin at di makakadalo

PAUMANHIN AT DI MAKAKADALO

nais ko sanang saksihan ang proclamation rally
ng pambato sa Senado, na sina Ka Leody
de Guzman at Ka Luke Espiritu mamayang gabi
subalit may sakit si misis, di ako puwede

madaling araw nagtungo na sa unang ospital
walang kama, na-dextrose sa upuan, di nagtagal
ay lumipat na kami sa ikalawang ospital
may higaan, habang naka-dextrose ang aking mahal

isusulat ko sana sa pahayagang Taliba
ng Maralita ang proklamasyon ng manggagawa
at ating isigaw: Manggagawa Naman! sa madla
nais ko man ay di ako makasaglit mamaya

ako lang kasama ni misis sa bahay at buhay
inuna ko siya upang loob ko'y mapalagay
gayunman, proklamasyon sana'y maging matagumpay
at sa mga dadalo, mabuhay kayo! mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
02.16.2025

Reseta

RESETA

kaytagal din namin noon sa pribadong ospital
madaling araw nang tiyan ni misis ay sumakit
dinala ko na siya sa pampublikong ospital
buti't mababa ang bill sa ospital na malapit

bago iyon, kagabi ay kumain sa kasalan
ramdam naming kayganda't kaysaya, may kantahan pa
at umuwi kami, natulog sa aming tahanan
nagising na lamang akong siya'y suka ng suka

anong sakit ng tiyan, kami'y nagpaospital na
subalit walang kama, puno sa unang ospital
matapos ma-dextrose ng nakaupo, na-discharge na
nakahiga na siya sa ikalawang ospital

may bagong resetang ibinigay ng manggagamot
upang mawala ang sakit, agad binili ito
sabi sa sarili, kalma lang, di dapat manlambot
di iiwan si misis ang sa kanya'y pangako ko

- gregoriovbituinjr.
02.16.2025

Paksa

PAKSA

kahit natutulala
patuloy ang pagtula
anumang naitala
di binabalewala

makata ng lansangan
ako kung maturingan
hinggil sa sambayanan
ang paksang tangan-tangan

dibdib ay napupunit
ng aleng kumalabit
para sa baryang hirit
buti't di nang-uumit

ang kamao ko'y kuyom
dahil kayraming gutom
bibig ko man ay tikom
pluma ko'y di uurong

titingin sa kisame
sa diwa'y may mensahe
paksang nakabibingi
sa tula sinasabi

- gregoriovbituinjr.
02.16.2025