Linggo, Agosto 17, 2014

Nais lang naman nila'y itaas ang sahod!

NAIS LANG NAMAN NILA'Y ITAAS ANG SAHOD!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit ang ibinigay sa kanila'y punglô?
nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit hiling nila'y binahiran ng dugô?
nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit asawa nila'y dapat pang mabalô?
nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit karapatan ng obrero’y sinugpô?

nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
bakit pinagbabaril ang mga minero?
nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
balewala na ba ang buhay ng obrero?
nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
kapitalista ba sa tubo'y sadyang tuso?
nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
ngunit bakit ang sistema'y nagkaganito?

hinihingi naman nila'y makatarungan
ngunit tila sila'y wala nang karapatan
mailap na hustisya kaya'y makakamtan?
may matamo pa kayâ silang katarungan?
sana'y masagot pa ang aming katanungan...
sana'y may sagot pa sa aming katanungan

* 16 August 2012, members of the South African Police Service opened fire on a group of strikers on the hills of Lonmin Mining Property in Marikana, South Africa. 34 mine workers were shot to death, and many strikers were wounded.