Huwebes, Abril 14, 2011

Di Bayani ang Diktador

DI BAYANI ANG DIKTADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.

di bayani ang diktador
na nagbaba ng martial law
at siyang dahilan
ng kamatayan ng marami
ng pagkawala ng maraming buhay
ng pagdukot sa mga aktibistang
di pa nakikita hanggang ngayon

di bayani ang diktador
na sumira sa buhay ng marami
na bumaboy sa karapatang pantao
na nagwasak sa dignidad ng kapwa
na nangutang ng nangutang
hanggang sa di ito mabayaran

at ngayon, nais ng maraming kongresista
na gawing bayani ang diktador
sa anong mga dahilan
upang matapos na ang kaguluhan?
upang burahin ang kanyang kamalian?
upang tuluyang baguhin ang kasaysayan?
o mga kongresistang ito'y nabayaran?

bakit ihahanay ang diktador
sa pagkilala kina Rizal?
Bonifacio at Ninoy Aquino?
nasaan na ang kanilang talento?
nasaan na ang kanilang puso?
nasaan na ang kanilang budhi?
wala ba silang aral sa kasaysayan?

binabastos nila ang sambayanan
o nais nilang tayo ay pagtawanan
ng mga kalapit bansa sa silangan
ng mga kapitalistang bansa
ng mga dating pangulo ng bayan

o nais nilang tayo'y maging luhaan
dahil wala pa ring katarungan
dahil di pa makita ang mga desaparesidos
dahil buburahin ang gunita ng bayan

di dapat pumayag ang mga matitino
di dapat sumang-ayon ang sambayanan
di tayo dapat pumayag, mga kababayan
na bayani na pala
ang nangurakot sa kabangbayan
ang dahilan ng kamatayan ng marami
ang dahilan ng pagkawala ng marami
ang sumira sa buhay ng masa
ang bumaboy sa karapatang pantao
ang nagwasak sa dignidad ng kapwa

di bayani ang diktador
di bayani si Marcos