Biyernes, Mayo 22, 2015

Pagninilay sa pagkasunog ng mga manggagawa ng Kentex

PAGNINILAY SA PAGKASUNOG NG MGA MANGGAGAWA NG KENTEX
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

"Horror factory. Ito ang naging reaksyon ng isang mambabatas ng Valenzuela City sa sunog na naganap sa Kentex Manufacturing Corporation, isang pabrika ng rubber at plastic-made footwear sa nasabing siyudad kung saan 72 na factory workers na ang kinumpirmang nasawi." ~ pahayagang Abante Tonite, Mayo 15, 2015

pitumpu't dalawang manggagawa
ayon sa iba't ibang balita
yaong agad namatay sa sunog
na sa pabrika nila'y pumupog

apoy ay di agad naapula
maraming pamilya'y nangaluha
nasunog yaong kanilang irog
pati pangarap nilang kaytayog

ang buong bayan ay natulala
di makilala, bangkay at mukha
yaon sa puso'y nakadudurog
tunay ba ito o bungangtulog

sana'y isang panaginip lamang
subalit ito'y katotohanan
ano nga bang nararapat gawin
sinong dapat nating panagutin

halos kontraktwal ang karamihan
kaybabang sahod na di mainam
ngunit kinailangang tiisin
nang pamilya nila'y makakain

sa sunog, sinong may kasalanan
ang hustisya kaya'y makakamtan
nangyari sa kanila'y rimarim
hustisyang asam kaya'y diringgin