Martes, Abril 20, 2021

CBA ng Uri

makipagtawaran sa gobyernong kapitalista
ang sambayanan hinggil sa mga isyu ng masa
tulad ng pakikipagtawaran ng unyunista
para sa benepisyo ng obrero sa pabrika

collective bargaining agreement ng uri'y panlahat
uring manggagawa't dukha'y nagkakaisang tapat
panlipunang serbisyo'y dapat sa lupa lumapat
at di sa bulsa ng mga gahamang nangabundat

ipinaglalaban ang dignidad ng kapwa tao
direktang paglahok ng manggagawa sa gobyerno
pati partisipasyon ng masa sa pagpaplano
ng pag-unlad ng bansa't walang maiiwan dito

pampublikong pabahay ang asam ng maralita
kuryente, tubig, iba pang serbisyo'y isabansa
dapat maregular ang kontraktwal na manggagawa
pambansang minimum na sahod ay dapat itakda

pagminina't produksyon ng plastik, huwag payagan
coal-fired power plants ay tuluyang patigilin naman
solusyong medikal, di militar, sa kalusugan
libreng mass testing para sa lahat ay ipaglaban

tuluyang tanggalin ang regresibong pagbubuwis
ipaglaban ang kapakanan ng babae't buntis
nakabubuhay na sahod para sa anakpawis
ipaglaban ang magkaroon ng hanging malinis

dekalidad, libreng edukasyon sa kabataan
paggalang sa karapatan ng bawat kasarian
agarang ipatigil ang redtagging at pagpaslang
at bawat karapatan ng tao'y dapat igalang

ilan lang sa hiling namin sa C.B.A. ng Uri
na kung di matugunan ng gobyernong naghahari
dapat lang patalsikin silang walang silbing imbi
na kahit isang minuto'y di dapat manatili

- gregoriovbituinjr.

Pagtagay

PAGTAGAY

paminsan-minsan, kailangan din nating tumagay
di lang upang magdiwang kundi ang makapagnilay
lalo't nangangamba sa panahong di mapalagay
na di na masilayan ang gintong uhay ng palay

maanong kayraming mga kwentong di nalilingid
na dahilan ng lumbay habang luha'y nangingilid
tumatagay ng mag-isa't nagkukulong sa silid
sa paunti-unting pagmumuni'y may nababatid

huwag mong kunin ang lubid, huwag magpatiwakal
lalo't naglalaro ang mga daga sa imburnal
dapat bukas na matwid ang sa isip mo'y kumintal
kaya huwag mong talikuran ang magandang asal

sige, tagay pa, tagay ng tagay hanggang malasing
at sa iyong pag-iisa'y tuluyan kang humimbing
anumang lumbay ay huwag mong isiping parating
at sasalubong ang magandang araw sa paggising

- gregoriovbituinjr.

Ang kahulugan ng buhay

inaamin ko, dati akong makata ng lumbay
mas mahalaga sa akin ang kahulugan ng buhay,
ang pagsisilbi sa masa, iyon ang mas may saysay
kaysa pribadong pag-aari't mga yamang taglay

di ako nabubuhay para kumita ng pera
o magtrabaho nang utang ay bayaran tuwina
wala sa pangungutang at pagkita ang esensya
ng buhay, kundi ang magsilbi sa bayan, sa masa

noon nga'y tinutula ko ang samutsaring lungkot
pagkat buhay sa mundo'y tunay na masalimuot
pagkat nananahan sa bansa'y namumunong buktot
bayang pinamumugaran ng tiwali't baluktot

anong kahulugan ng pagkasilang ko sa mundo?
ang magkaroon ng laksang pag-aaring pribado?
magkaroon ng kapangyarihan, magpulitiko?
magpayaman, magpasarap, pagkatapos ay ano?

mabuti na lang, tinahak ko'y buhay-aktibista
may kahulugan ang buhay, nagsisilbi sa masa
pinaglalabang kamtin ang panlipunang hustisya
tunay na nagpapakatao't nakikipagkapwa

kaysa mauto't maging kawal ng gobyernong ganid
na tinotokhang lamang ang inosente't kapatid
ninenegosyo ang dangal, sa sama binubulid
ng sistemang bulok na dapat tuluyang mapatid

ang pakikipagkapwa ang kahulugan ng buhay
na mga pinagsasamantalahan ang karamay
lipunang makatao ang inaadhika't pakay
ako'y aktibistang kumikilos hanggang mamatay

- gregoriovbituinjr.

Dapat lagi ka sa tama

DAPAT LAGI KA SA TAMA

dapat lagi ka sa tama
ito ang aming adhika
ipinaglalabang kusa
kung ano ang laging tama

huwag magsasamantala
o mang-aapi ng kapwa
dapat makamit ng masa
ang panlipunang hustisya

ngayon, natatandaan ko
ang bilin ng aking lolo
na lagi kang magmamano
pagkat tanda ng respeto

lola naman ay nagsabi
huwag kang magpapagabi
mahirap, baka maapi
o tumimbuwang sa tabi

sundin mo ang health protocol
at magdala ng alkohol
sa face mask man ay gumugol
basta't malayo sa trobol

igalang ang matatanda
igalang din kahit bata
igalang sinumang dukha
magsasaka't manggagawa

huwag kang basta titingin
sa mga siga't mahangin
baka bigla kang bugbugin
ng mga utak-salarin

dapat gawin mo ang wasto
ipaglaban ang prinsipyo
marangal kahit kanino
bawat isa'y may respeto

- gregoriovbituinjr.

Ang diwata sa likod

ANG DIWATA SA LIKOD

buti't di ako nagitla
nasa likod ang diwata
ano kayang sinambitla
ng diwata sa makata

tila nangamoy pinipig
ang pinigilang pag-ibig
hanggang sa puso'y makinig
at nagyapusan ang bisig

ang diwata'y nangalabit
sa makata'y may hinirit
bawat tanong na bakit
ay lagi na lang may sirit

sa pagsintang di masabi
puso ang nakaintindi

- gregoriovbituinjr.

Kaunting tulong para sa kalikasan

KAUNTING TULONG PARA SA KALIKASAN

patuloy pa rin akong gumagawa ng ekobrik
na sa mga patay na oras ay nakasasabik
gupit ng gupit ng plastik ng walang tumpik-tumpik
upang tulungan ang kalikasan sa kanyang hibik

paulit-ulit ko mang sabihing naglipana
ang plastik na basura sa laot, bahay, kalsada
ngunit tila binabalewala ito ng iba
katwiran nga'y may trak na tagahakot ng basura

bukod sa paglikha ng ekobrik, may yosibrik din
na pawang upos ng yosi naman ang titipunin
at ipapasok sa boteng plastik, isa-isahin
ah, nakakadiri naman daw ang aking gawain

ngunit nais kong may maitulong sa kalikasan
ekobrik at yosibrik ang aking pamamaraan
ayokong malunod sa upos ang ating karagatan
ayokong maging basurahan ang mga lansangan

gawing mesa't upuan ang magagawang ekobrik
pag-isipan kung anong magagawa sa yosibrik
mahalaga'y matipon ang ating mga siniksik
baka naman may makita pang solusyon sa plastik

kaunting tulong lang naman ang aking ginagawa
kaya sana layuning ito'y iyong maunawa
kung tutulungan mo ako'y huwag ngawa ng ngawa
kung nais mong tumulong, halina't gawa ng gawa

- gregoriovbituinjr.