Dad, maligaya pong ikawalumpung kaarawan
nawa'y gumaling po kayo sa inyong karamdaman
tumagal pa ang buhay, gumanda ang kalusugan
kami naman po'y nasa maayos na kalagayan
kayo'y ehemplong amang gabay sa aming paglaki
upang kinabukasan ay talagang mapaigi
pangaral, pangarap, pangako, payo'y mabubuti
kayo'y dakilang tatay na dapat ipagmalaki
iwing buhay ninyo'y naabot ang walong dekada
maluwalhating narating ang edad na otsenta
sana kayo'y gumaling sa sakit na iniinda
nawa disgrasya'y maiwasan, kamtin ay biyaya
maraming salamat, Dad, taospusong pagpupugay
kayo po ni Mommy ang dakila naming patnubay
at mabuting gabay sa bawat naming paglalakbay
muli, pasasalamat po, Dad, mabuhay! mabuhay!
- gregoriovbituinjr.
11.17.2021
* kuha ang litrato sa UP Manila, Setyembre 13, 2007, sa launching ng aking librong Macario Sakay, Bayani, na nilathala ng Kamalaysayan (Kaisahan ng Kamalayan sa Kasaysayan), nakatayo si Dad sa likod, katabi ng kapatid kong babae, nasa harapan ang dalawang propesor, ako ang nasa gitna