Sabado, Disyembre 7, 2024

PEOPLE muna, sunod ay LIFE at IF

PEOPLE MUNA, SUNOD AY LIFE AT IF

pagsagot sa cryptogram ay inaaral din
bagamat may himaton o clue na binigay
mula roon ay iyong pakakaisipin
katumbas na letra sa numero'y ilagay

upang mabuo ang quotation o sinabi
ng taong nakilala sa larangan niya
tulad sa cryptogram ngayon, aking namuni
sa pagkakakatitig, sagot ko'y PEOPLE muna

napagitnaan naman ng L at E ang IF
at IF ang unang salita sa pangungusap
na nasa gitna ng LIFE, sistema ko'y What If?
hanggang mabuo iyon sa aking hinagap

kaya cryptogram ay ganap na nasagutan
at nabatid ang sinabi ni Leonardo
Dicaprio na mahalagang kasabihan
na mailalahok sa kultura ng mundo

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

* "If you can do what you do best and be happy, you can further along in life than most people." ~ Leonardo Dicaprio
* cryptogram mula sa Philippine Star, Disyembre 7, 2024, p.9

Pagsulat, pagmulat, pagdalumat

May kolum pa sa dyaryo ang may arrest order

MAY KOLUM PA SA DYARYO ANG MAY ARREST ORDER

naulat na wala na sa bansa, Disyembre Kwatro
si Harry Roque, spokesperson ng dating pangulo
na may arrest order umano mula sa Kamara
kung wala na sa bansa, paanong darakpin siya

kolum ni Roque'y nalathala, Disyembre Siyete
kung nakalabas ng bansa, bakit ito nangyari
pa-email-email lang, kanyang kolum ay tuloy pa rin
gayong may kaso pala siyang qualified trafficking

bagamat animo'y pinaglalaruan ang batas
siyang may arrest order, kolum pa'y labas ng labas
kalayaan sa pamamahayag pa'y tinamasa
tulad ni Amado Hernandez, isang nobelista

at kumatha ng mga tulang Isang Dipang Langit
sa Bilibid sa Muntinlupa nang siya'y napiit
di pa nadakip si Roque, patuloy lang ang kolum
ah, pluma'y malaya sa harap man ng paghuhukom

pluma ng makatang tibak tulad ko'y di mapigil
kung mapiit muli't sa aktibismo'y sinisiil
tunay na sagrado ang kalayaang magpahayag
kahit sa batas ng estado'y mayroong paglabag

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

* ulat mula sa Pilipino Star Ngayon, Disyembre 4, 2024, p.3
* kolum mula sa Philippine Star, Disyembre 7, 2024, p.7

Manny Pacquiao, malalagay sa Boxing Hall of Fame

MANNY PACQUIAO, MALALAGAY SA BOXING HALL OF FAME

buong pagpupugay sa Pambansang Kamao
Manny Pacquiao na natatanging boksingero
nakamit niya ang iba't ibang titulo
sa walong dibisyon ay nagkampyong totoo

sa International Boxing Hall of Fame naman
sa Hunyo, sunod na taon pararangalan
tulad ni Flash Elorde ay pagpupugayan
dahil sa ambag sa boksing, sa palakasan

naging kampyon si Pacquaio sa iba't ibang weight
una, flyweight; ikalawa, superbantamweight,
sunod ay featherweight, superfeatherweight, lightweight,
superlightweight, welterweight, at junior middleweight

ang tinalong kampyon: Chatchai Sasakul, una
sunod ay sina Lehlohonolo Ledwaba, 
Erik Morales, Marco Antonio Barrera,
Juan Manuel Márquez, at Oscar De La Hoya

tinalo din sina Clottey, Larios, Algieri,
Miguel Cotto, Vargas, Solis, Lucas Matthysse,
Ricky Hatton, Broner, Thurman, Timothy Bradley,
Rios, Antonio Margarito, at Shane Mosley

sa Boxing Hall of Fame, sa pagsikat ng araw
ay magniningning ang pangalang Manny Pacquiao
kaming narito'y taospusong nagpupugay
at kay Manny Pacquiao: Mabuhay ka! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

* ulat mula sa Philippine Star, Disyembre 7, 2024 

Istranded sa ospital

ISTRANDED SA OSPITAL

di makalabas, di pa kumpleto ang bayad
ganitong sistema'y talagang nalalantad
paano makakahanap ng pera agad
lalo't lahat na ng ipon nami'y nasagad

di pwedeng promissory note sa hospital bill
dito na ba kami sa ospital titigil
parang bahay na sa isang buwang pagtigil
ngayon, parang piitan, luha'y di mapigil 

higit kalahating milyon, hahanapin pa
paano ba malutas ang ganyang problema
ang professional fee ng doktor ay wala pa
aba'y labing-apat na doktor lahat sila

mag-promissory note sa doktor, maaari
ngunit di sa hospital bill, di ko mawari 
baka pag di nabayaran, sila'y malugi
magpapirma sa mga doktor ang mungkahi

kaya ito muna ang aming kinakayod
hagilapin ang mga doktor ang kasunod
ramdam ko'y nadudulas sa mga alulod
nakakabangon din, may sugat man ang tuhod

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

Almusal

ALMUSAL

payak ang aming almusal
dito pa rin sa ospital
isang pares ng pandesal
at omelet, lutong lokal

warfarin diet si misis
gumanda kaya ang kutis
katawan kaya'y humugis
o katulad ko'y numipis

ako'y magkakape muna
habang kasama ang sinta
sana siya'y gumaling na
sa sakit na nanalasa

dito'y higit isang buwan
kayraming natutuklasan
nalalagay sa tugmaan
mula sa puso't isipan

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024