Biyernes, Enero 10, 2014

Gaya ng isang tigre

GAYA NG ISANG TIGRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

gaya ng isang tigre, tao rin ay nagagalit
pag anak ay nagugutom, dama'y panggigipit
sahod na'y di sapat, buwis pa nila'y kinukupit
ang gobyerno'y nakasuso sa sistemang kaylupit
ang dukha'y api, mayaman ay nakangiting paslit

gaya ng isang tigre, tao rin ay nananagpang
kapwa'y binibiktima, kaluluwa nila'y halang
panukalang batas pabor sa dukha'y hinaharang
mga pulitiko nila'y tiwali't salanggapang
umalwan lang ang sarili, buhay pa'y inuutang

gaya ng isang tigre, tao rin ay umaangil
batas na pinapatupad, madalas mapangkitil
mga serbisyo'y negosyo na't kaytaas maningil
kahit sa buwis ng manggagawa'y panay ang kikil
karapatan ng kapwa'y malimit na sinisikil

gaya ng isang tigre, tao rin ay nagmamahal
ang kapwa pag umaga'y inaalok ng almusal
tandang tinataglay niya ang kabutihang asal
at pinahahalagahan ang pagkatao't dangal
kaya pag namatay, binibigyan siyang parangal