Lunes, Oktubre 18, 2021

Langgam

LANGGAM

nabidyuhan kong isang butil ng kanin ang pasan
ng mga langgam habang sila'y nasalubong naman
ng iba pang langgam na wari'y nagkukumustahan
tila rin nagtanungan, ang butil ba'y galing saan?

mga langgam ay nawala na sa aking paningin
pagkat nagsisuot na sila roon sa ilalim
upang imbakin ang butil sa kanilang kamalig
ito ang sa araw at gabi'y kanilang gawain

ang ibang langgam, butil ay nais ring makakuha
upang sa tag-ulan ay may makakain din sila
kayraming laglag na mumo sa sahig at sa mesa
tulong-tulong at bayanihang papasanin nila

sa kanila ikinukumpara ang manggagawa
kaysisipag, nililikha'y ekonomya ng bansa
kayod-kalabaw na araw-araw gawa ng gawa
pag-unlad ay likha ng kamay nilang mapagpala

- gregoriovbituinjr.
10.18.2021

Numero

NUMERO

kaysarap ng potasyum na nakapagpapagaling
na nang magtungo sa terasa'y bitbit kong pagkain
nang tila kakaibang sining ang aking mapansin
may numerong otsenta'y sais sa balat ng saging

baka dahil wala agad masulatan ng presyo
para sa isang buong buwig ng saging na ito
sa balat sinulat ng nagmamadaling tindero
ang otsenta'y sais nang agad maibenta ito

bunsod ba ng katamaran kaya doon nagsulat
o sa sipag, daming gawa'y inisyatibang ganap
suki'y nariyan, presyo'y agad sinulat sa balat
ng saging, nasa isip, sipag ay daig ng agap

heto, nadampot ko ang numero otsenta'y sais
bukod sa potasyum, baka kuminis din ang kutis
walang may tagiyawat na unggoy, mukha'y malinis
ah, saging na'y kinain ng katawan kong kaynipis

- gregoriovbituinjr.
10.18.2021

Alapaap

ALAPAAP

narito na namang nakatitig sa alapaap
matapos magluto't maghugas, muling nangangarap
sa patay na oras, sa buhay na aandap-andap
habang tirik ang araw, sa kanyang buong paglingap

ilang oras magninilay at tatambay sa init
habang inaasam ang paggaling mula sa sakit
nasa kabundukang animo'y kaylapit ng langit
kulang na lang ay largabista pag gabing pusikit

maputing alapaap at luntiang kabundukan
sariwa ang hangin at mapunong kapaligiran
masukal na gubat at katabi mo'y kalikasan
tila paraiso itong iyong kagigiliwan

bagamat kaygandang paligid, layon ba'y narito
o ito'y paglayo lamang sa problema ng mundo
ako'y isang tibak na tangan sa puso'y prinsipyo
na may misyong itayo ang lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
10.18.2021