Miyerkules, Hulyo 23, 2025

Pinikpikan sa pang-apatnapung araw

PINIKPIKAN SA PANG-APATNAPUNG ARAW

nagpinikpikan habang inalala
ng angkan ang pang-apatnapung araw
ng pagkawala ng aking asawa
habang ramdam ko pa rin ay mapanglaw

isa nang tradisyon ang pinikpikan
bilang alay, bilang pasasalamat
sa lumikha nitong sansinukuban
habang ramdam ko pa rin yaong bigat

sa dibdib, tila sangkaterbang bato
ang nakadagan, buti't di sumikip
ang dibdib, nakakatayo pa ako
habang si misis ang nasasaisip

magpapatuloy pa rin yaring buhay
sa kabila ng nadaramang lumbay

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

Sino ang mabuting tao?

SINO ANG MABUTING TAO?

yaon bang pagiging mabuting tao
ay parang mabuting Samaritano?
tulad ba ng sabi ni Mayor Vico?
di tulad ng mga salbaheng trapo?

sakaling nagtagumpay ka't yumaman
ngunit mayroon namang naapakan
sa mahihirap ay walang paggalang
masasabi bang matagumpay iyan

tulad nitong mga kapitalista
na tinitingnang mapagsamantala
sweldo'y kaybaba ng obrero nila
obrerong nagpaunlad sa pabrika

mataas nga ang kinita mo't sahod
subalit manggagawa mo'y hilahod
kabutihan ba rito'y mahahagod
sitwasyong ito ba'y nakalulugod

iskwater pa rin ang maraming dukha
artistang sumikat pala'y sugapa
halal na trapo pala'y dalahira
ang mabuting tao ba'y sinong sadya

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

* litrato mula sa dyaryong Philippine Star

Basurahan na ang lungsod

BASURAHAN NA ANG LUNGSOD

kaya raw baha'y di kayang kontrolin
ay dahil daw sa kagagawan natin
ginawa nang basurahan ang lungsod
sa basura na tayo nalulunod

kanal at imburnal naging barado
nakukuha nila'y kung anu-ano
sofa, ref, tarpolin, damit, sapatos
na nahakot lamang dahil may unos

ito ba'y dahil sa katiwalian
o walang disiplinang mamamayan
sino bang responsable sa basura
di ba't tayo ring mamamayan, di ba?

ano bang gagawin nating marapat
bakasakali'y magtulong ang lahat
walang sisihan, basurang binaha
ay pagtulungan nang ayusing sadya

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

* ulat batay sa headline (tampok na ulat) sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 23, 2025

Krimen sa sanggol

karumal-dumal, karima-rimarim
ang ginawa ng ina'y anong lagim
ang kanya bang budhi'y sadyang maitim?
o kanyang pag-iisip ay nagdilim?

ayon sa balita, may diperensya
sa pag-iisip ang nasabing ina
at sa krimen ba'y mananagot siya?
sino nga ba tayo upang manghusga?

subalit ang nawala'y isang buhay
labing-isang buwang bata'y namatay
ang nangyari'y sadyang nakalulumbay
sa krimeng ito ba'y mapapalagay

ano't kay-agang nawala ng sanggol
ang buhay niya'y agad naparool

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

* ang ulat ay headline (tampok na ulat) sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 23, 2025

Antok pa si alaga

ANTOK PA SI ALAGA

nang dahil sa pag-ulan, kaysarap
ng kanyang paghimbing, nangangarap
tiyak na ginaw ang nalalasap
ni alagang dito'y nililingap

kaya masarap dapat ang kain
niya mamaya, isda pa man din
ang ulam, dapat lang unawain
si alagang pag-amot ay dinggin

ilang araw na bang bumabaha
ilang araw ding basa ang lupa
ilang araw ding walang nagawa
upang makapanghuli ng daga

anong sarap naman ng umaga
sige lang, matulog ka lang muna

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/12FrqbYjUea/ 

Bedyetaryan

BEDYETARYAN

kaytagal ko nang di nagkakarne
nang niyakap maging bedyetaryan
noon, ngunit nang magkapandemya

at magka-COVID ako talaga
payo'y bumalik sa pagkakarne
para sa kailangang protina

ay, sa prinsipyo'y nais bumalik
at sa pagkakarne na'y umalis
kumain ng sibuyas, kamatis

talbos ng kangkong, kamote, sili
sa ganito ako nawiwili
sa pagkakarne'y di mapakali

minsan, kailangang manindigan
nang walang anumang alinlangan
para sa malusog na katawan

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

Sa SONA

sa SONA
itsura
baha ba?
wala na?

sa SONA
problema
lutas ba?
lubog na?

sa SONA
kakanta
trapo na
wa wenta?

ay, SANA
sa SONA
ang masa
okay pa

- gbj
07.23.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa Commonwealth Avenue na kadalasang nilalakad ng masa patungo sa SONA