Linggo, Pebrero 8, 2015

Kapatid natin ang bawat manggagawa

KAPATID NATIN ANG BAWAT MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kauri natin sila, kapwa manggagawa
ngunit higit sa lahat, kapatid din natin sila
sa bawat pulso at lagutok ng ating kalamnan
tila baga isang ina ang ating pinagmulan
iisa lang ang pinanggalingan ng ating pusod
kaya isang layunin din ang sa atin nagbunsod
upang magkaisa bilang tunay na magkapatid
bituka'y magkadugtong sa buhay na walang patid
tayong manggagawa'y magkapatid at magkauri
kapwa nagnanasang lipulin na ang naghahari
na ang pribadong pag-aari'y tuluyang wakasan
at isang pamilya'y itayo sa bagong lipunan

Nakatarak na balaraw iyang kapitalismo

NAKATARAK NA BALARAW IYANG KAPITALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakatarak na balaraw iyang kapitalismo
sa ating lalamunan, prinsipyo't pagkatao
sa sisikdo-sikdong dibdib ito'y namumuro
at ginagawang lantang-gulay ang mga obrero

pati sa likuran ay balaraw na nakatarak
ang kapitalismong sa dangal natin yumuyurak
ito ang sistemang sa ating kapwa'y humahamak
at sa lakas-paggawa, dugo ang pinaaantak