ANG MANUNULAT NG MGA ARTIKULO SA PAHAYAGAN HABANG NAGLAHO NA ANG MGA PUNO'T WALANG NAKIKINIG
Tula ni Dalia Taha
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)
Sa loob ng ilang araw lumuha si lolo.
Sa huli inamin niyang nag-iisa na siya,
na animo'y wala siyang pitong anak na lalaki
na nagbigay sa kanya ng dalawampu't limang apo.
Ang aking lolang nasa tahanan,
isang tiklis ng igos ang sa pagitan ng kanyang mga paa,
ay nananaginip habang maingat na nagbabalat
at pinapakain sila sa lolo kong para niyang anak.
Ito ngayon ang anyo ng kanilang halikan:
ang mga daliri ni lola ay nasa labi ni lolo.
Sa kanilang paligid, ang lahat ay alaala ng pagkalimot.
Walang alikabok sa tahanang ito
natatakpan ng kanilang kalamnan ang lahat
kahit ang mga unan.
Tinigilan na nilang matulog sa tahanan ng iba.
Sila'y mga nananahan sa kanilang sariling katawan
at ang kanilang tahanan
ay gumuho sa ibabaw nila habang ang kanilang
kalamnan ay tumubo sa kanilang kalamnan.
Sa parehong tiklis
sa ilalim ng magagandang bunga
nakahanap ang aking lola ng maliliit na puso
na iyon ay sa amin, dalawampu't limang apo niya
ang nakakalat sa daigdig na ito,
na hindi marunong magmahal.
Isasaalang-alang niya ang mga ito tulad ng
pagsasaalang-alang niya sa lahat ng igos
ang mga nahinog na
at ang mga walang gagawing anuman
maliban sa paggawa ng palaman.
Ang malamig na palaman sa palamigan
ang aming mga bangkay
at ito na lang ang kanilang kinakain
mula nang mawalan sila ng ngipin.
— sa Ramallah
10.07.2024
Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People