Biyernes, Mayo 1, 2020

Mensahe sa tilaok

sa bawat pagtilaok ng tandang tuwing umaga
animo'y nagsasabi siyang may bagong pag-asa
na minsan di mo matingkala ang naaalala
habang may nasusulyapan sa gilid nitong mata

nagising na ang Haring Araw, ating salubungin
ang bagong umaga ng may magandang adhikain
kahit na puso't diwa'y puno ng alalahanin
kung paano harapin ang salot na COVID-19

tilaok ng tandang ba'y iisa lang ang mensahe?
pagbati ng magandang umaga ang sinasabi?
sa binibini, sa ginoo, kahit sa tutubi
na di raw dapat magpahuli sa mamang salbahe

baka maraming mensahe ang kanyang pagtilaok
gumising na kayo, baka mahuli sa pagpasok
maghanda na kayo't sa gawain ay magsilahok
ako'y gutom na, may palay ba kayo? anang manok

- gregbituinjr.

Kahit nasa lockdown ngayong Mayo Uno

Kahit nasa lockdown ngayong Mayo Uno

kahit nasa lockdown, panawagan ko'y magkaisa
ang buong uring manggagawa kasama ng masa
maging organisado, maging malakas na pwersa
sa lipunan, kayong tagalikha ng ekonomya

taas-kamaong pagpupugay sa uring obrero
taas-noo ring sumasaludo sa proletaryo
halina't itaas natin ang kaliwang kamao
kamanggagawa't mga kauri, mabuhay kayo!

halina't baklasin na ang pribadong pag-aari
pagkat ugat ng kahirapan ng dukha't kauri
itayo ang lipunang makataong ating mithi
na walang nagsasamantala't walang naghahari

ngayong Mayo Uno ay muli nating panindigan
ang mga prinsipyo't adhikang ating nasimulan
at lupigin ang burgesya, naghahari't gahaman
habang itinatayo ang makataong lipunan

- gregbituinjr.
05.01.2020

Soneto ngayong Mayo Uno

Soneto ngayong Mayo Uno

Ngayong Mayo Uno, taas-kamao sa obrero
Ginagawa ninyo'y dapat lamang bigyang-saludo
Ang bumubuhay sa ekonomya ng bansa'y kayo
Yinayari ninyo'y tunay ngang para sa progreso

Oo, ngayong Mayo Uno, paggawa'y ipagdiwang
Na karapatan ng manggagawa'y dapat igalang
Gumigising sa umaga, nagtatrabaho hanggang
Makakaya, otso oras o may obertaym man lang

Asamin nating silang imortal ay maghimagsik
Yamang pinagsasamantalahan ng tusong switik
O, manggagawa, kayo'y magkaisa, aming hibik
Upang itayo ang lipunan ninyong natititik

Nawa, kahit lockdown, makita ang pagkakaisa
Organisadong manggagawa'y malakas na pwersa

- gregbituinjr.
05.01.2020