Linggo, Abril 6, 2014

Sa ika-90 anibersaryo ng unang Balagtasan

SA IKA-90 ANIBERSARYO NG UNANG BALAGTASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sila yaong nagsagupa sa unang balagtasan
Kuntil Butil at Huseng Batute yaong pangalan
sa ngalang Bubuyog at Paruparo'y nagtagisan
upang bulaklak na Kampupot ay sagutin lamang

bawat matatalinghaga nilang pananaludtod
ay kinagiliwan ng daan-daang manonood
kumbaga ngayon, sa Pacquiao at Marquez nakatanghod
sa bawat bato ng salita ikaw'y malulunod

makatang Florentino Collantes si Kuntil Butil
pag pumukol ng salita'y ramdam mo ang hilahil
pag dumebate, bawat salita'y di mo mapigil
ngunit sa dilag, ang wika animo'y isang anghel

Jose Corazon de Jesus nama'y Huseng Batute
na pag pumukol ng wika akala mo'y may tari
sa talinghaga'y di papalag ang sinumang hari
tutunganga na lang at magbibigay ng papuri

ang labanang patula'y tinawag na Balagtasan
sa makatang Balagtas iyon ay ipinangalan
mula dito, sa Ilokos ay nagka-Bukanegan
at sa Pampanga'y nagkaroon naman ng crisotan

mabuhay ang gunita ng mga bunying makata
tunay kayong sa katutubong pagtula'y dakila
sa inyo'y pagpupugay itong paabot ng madla
yapak nyo'y sinundan ko't tumula rin at tumudla

* Ang unang Balagtasan ay ginanap sa Instituto de Mujeres (Paaralan ng Kababaihan) sa Tondo, Maynila, Abril 6, 1924.