Miyerkules, Hunyo 3, 2020

Ang manunulat na walang pinagsusulatan

matuturing ka pa rin kayang isang manunulat
kung walang pahayagang pinagsusulatang sukat
sinong maglalathala ng akda, ito'y kaybigat
di dapat akda'y itago lang kung nais magmulat

aba ang manunulat na walang mapagsulatan
kundi sa kwaderno lang na baka anayin lamang
pag inipis o inanay, wala nang katuturan
ang samutsaring akdang talagang pinaghirapan

ah, muntik ko nang sapitin ang kalagayang iyon
buti't may dyaryong Talibang nasusulatan ngayon
salamat sa Taliba't nagpapatuloy sa layon
at nagagawa ko ang aking tungkulin at misyon

sadyang mahirap sa manunulat na walang dyaryo
o magasing pinaglalathalaan ng akda mo
kaya po sa Taliba ng Maralita'y saludo
pagpupugay sa dyaryong walang kaparis sa mundo

- gregbituinjr.
06.03.2020

* Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na 20-pahinang pahayagan ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)