bakit nga ba marami raw pasaway sa Maynila
habang lockdown, laging iyon ang nababalita
dahil ba pasaway talaga ang taga-Maynila
o malapit kasi roon ang tagapagbalita
palibot ng Maynila ang mayorya ng masmidya
nasa Lungsod Quezon, Pasay, Makati, at saan pa
sa Malabon at Navotas ay swerteng makapunta
sila'y nasa sentro ng pulitika't ekonomya
nasa Maynila ang Malakanyang, ang nasa rurok
ng gobyerno, at pasaway din ba ang nasa tuktok
laki akong Maynila, sa distrito ng Sampaloc
kaya minsan naaamoy ang nakasusulasok
nasa Maynila rin ang matatandang kolehiyo
ang U.S.T., pinagdiwang na'y pang-apat na siglo
ang Letran ngayong apatnadaang taon na nito
pati ang La Salle, Mapua, San Beda, Ateneo
ang Kongreso'y nasa Q.C., Senado'y nasa Pasay
sakop ng Metro Manila, sila rin ba'y pasaway
ang totoo, nasa Maynila ang masmidyang hanay
kaya balita pag nilatag ay pambansang tunay
nasa Maynila ang balita, napapag-usapan
ng mga komentarista sa radyo't pahayagan
magrali sa Mendyola't pambansa na ang latagan
ganyan ang Maynila, na pasaway lang ay iilan
- gregbituinjr.
05.10.2020
Linggo, Mayo 10, 2020
Gisingin mo ako sa tagal nang pagkakahimbing
gisingin mo ako sa tagal nang pagkakahimbing
na diyosa ng kagandahan ang aking kapiling
na kasama ko'y prinsesa mula sa toreng garing
na baka pantasyang ito'y tunay pag di nagising
sasabihing ako'y binangungot ng kagandahan
na isa palang diwata ang aking nakatipan
habang ako'y dalitang kapiling ng kagipitan
na ginhawa ng bayan ko ang tanging kasagutan
mutya'y naglalayag sa diwa ng abang makata
na tila bilanggong nakagapos sa tanikala
na sa pagkakahimbing ay tila di makawala
na tanging saksi sa kanya'y ang lobong maninila
dapat na akong magising, mayroon pang labanan
tulad kong mandirigma'y dapat handa sa digmaan
kasama'y hukbong mapagpalaya sa sagupaan
tunggaliang dapat na naming mapagtagumpayan
- gregbituinjr.
Ayokong maging pabigat
Ayokong maging pabigat, ito ang aking hiyaw
Yayao akong di pabigat sa mundong ibabaw
Oo, nagsusuri akong may ibang natatanaw
Kumilos man akong may batong pasan bawat araw
O, kung wala kang pag-ibig sa kapwa kung sakali
Nakibaka ka kaya upang obrero'y magwagi?
Ginhawang asam ng uring manggagawa ang binhi
Maghandang buwagin ang sistemang mapang-aglahi
Aktibista akong may adhikaing sinimulan
Ginagampanan kong lubos ang tungkuling pinasan
Iniisip ang kapakanan ng masa't samahan
Ng uring manggagawa, ng dukha, di ng iilan
Gising ang diwa sa samutsaring isyu't problema
Pagkamulat ko'y mula sa uring obrero't masa
At nangangarap baguhin ang bulok na sistema
Bisig ko't kamaong kuyom ay tanda ng pagbaka
Ibig kong mag-ambag sa ginhawa ng kapwa tao
Gaya ng pangarap ng dakilang Katipunero
Ayokong maging pabigat, buhay ko ang ambag ko
Tatahakin ang landas ng lipunang makatao
- gregbituinjr.
05.10.2020
Happy Mother's Day! - a Tagalog poem
Happy Mother's Day, pagpupugay sa lahat ng nanay!
Anak po'y naritong nagpapasalamat ng tunay!
Pagkat kayo'y inang mahal! Mabuhay po! Mabuhay!
Pangarap po namin ay naabot dahil sa inyo
Yamang pagmamahal ninyo sa anak ay solido
Mahal po namin kayo! Kami sa inyo'y saludo!
O, inay, na nag-alaga mula sinapupunan
Tigib ang pag-aaruga sa anak nang isilang
Heto kaming tumatag para sa kinabukasan
Espesyal pong araw na ito. Happy Mother's Day po!
Ramdam itong pagpapahalagang mula sa puso
Sa inyo, pagmamahal namin ay di maglalaho!
Dahil sa inyo, matatag at may dignidad kami
At pinag-aral, pinangaralan hanggang paglaki
Yamang kayong aming magulang ang aming bayani
- Greg Jr. and Liberty
05.10.2020
Anak po'y naritong nagpapasalamat ng tunay!
Pagkat kayo'y inang mahal! Mabuhay po! Mabuhay!
Pangarap po namin ay naabot dahil sa inyo
Yamang pagmamahal ninyo sa anak ay solido
Mahal po namin kayo! Kami sa inyo'y saludo!
O, inay, na nag-alaga mula sinapupunan
Tigib ang pag-aaruga sa anak nang isilang
Heto kaming tumatag para sa kinabukasan
Espesyal pong araw na ito. Happy Mother's Day po!
Ramdam itong pagpapahalagang mula sa puso
Sa inyo, pagmamahal namin ay di maglalaho!
Dahil sa inyo, matatag at may dignidad kami
At pinag-aral, pinangaralan hanggang paglaki
Yamang kayong aming magulang ang aming bayani
- Greg Jr. and Liberty
05.10.2020
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)