Huwebes, Nobyembre 18, 2021

Panulat

PANULAT

tulad ng puno sa gubat na matamis ang prutas
patuloy itong panulat sa nalalabing oras
kahit yaring pluma'y sibakin pa ng mararahas
ipapakitang pagtangan sa prinsipyo'y parehas

akala sa kawalan ay laging nakatunganga
madalas mang magnilay, patuloy ang pagsagupa
balitaktakan ng ideya, pagharap sa sigwa
nakikipaggitgitan ngunit di natutulala

tinatanim ko'y tamis-anghang na buti ang dulot
habang sinusunog ang damo ng pakla at poot
upang magbunga ng talagang masarap na pulot
na maaaring lunas sa nararanasang gusot

di ko papayagang pluma ko'y kanilang bakliin
at mga tanim kong puno'y basta na lang tigpasin
taludtod at saknong ay di hahayaang sibakin
makata'y matatag habang pluma'y patatatagin

namamasdan ng makata ang dukhang naghihirap
pati pagsasamantala't pang-aaping naganap
nais niyang akdain ang pag-ibig at paglingap
at isatitik yaong lipunan nilang pangarap

- gregoriovbituinjr.
11.18.2021

* litrato mula sa google

Ka Heber


KA HEBER

isa si Heber sa inidolo ko nang bata pa
dahil may ibig sabihin ang bawat niyang kanta
mga awiting nagmulat sa aking mga mata
upang maunawa't manindigan para sa masa

Nena, Babae, Dukha, Tumindig Ka, anong galing
Payag Ka Ba, Lerry, Istambay, Kung Walang Pag-ibig
Karaniwang Tao, Almusal, Inutil na Gising
Tayo'y Mga Pinoy, ilang sikat niyang awitin

sa Banyuhay ni Heber, taospusong pagpupugay
liriko ng mga awitin ay napagninilay
makadaupang palad siya'y karanasang tunay
at nakahuntahan pa si Heber sa kanyang bahay

sa inilunsad niyang Paskong Tuyo'y nakadalo
ng ilang beses, may tulaan at mini-konsyerto
sa kanyang tahanan at pinatula niya ako
si Mike Hanopol ang isa sa bumisita rito

nakadalo rin kasama ang ibang manunulat
nang magtalakay siya sa sining niya't panulat
binigyan ko siya ng ilan kong inakdang aklat
ako'y binigyan ng album niyang kanta'y pangmulat

mabuhay ka, Ka Heber, salamat sa iyong awit
pamana mo sa bayan ay liwanag sa pusikit
na karimlang ang karapatan ay dapat igiit
laban sa bulok na sistemang sadyang anong lupit

- gregoriovbituinjr.
11.18.2021