Martes, Setyembre 1, 2009

Diligin Man ng Malapot na Dugo

DILIGIN MAN NG MALAPOT NA DUGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halina't magpatuloy tayo sa pakikibaka
at nang loob mo'y huwag panghinaan
pagkat kailangan nating baguhin ang sistema
nitong lipunang pinaghaharian
ng burgesya't ng mga kasaping kapitalista
na mga elitista ngang gahaman.

Nagkakaisa tayong baguhin itong sistema
kaya sa laban tayo'y di susuko
nakatalagang ito na ang huli nating laban
diligin man ng malapot na dugo
itong bansa't lupa ng ating kapwa mamamayan
sariling dugo man ang mabubo

Nilalandas natin ay panibagong pag-asa
para sa mamamayang naghihirap,
nagugutom at pinagsasamantalahang masa
ipaglaban natin yaong pangarap
na baguhin ang lipunan at bulok na sistema
upang kaginhawaan na'y malasap.

Ang mga nasa kapangyarihan ay kayluluho
kaban ng bayan itong ninanakawan
ninakaw din nila ang ating dangal, diwa't dugo
para lang sa kanilang kapakanan
diligan man ang bayan ng malapot nating dugo
ay ibagsak natin silang tuluyan.

Ibuhos Mo ang Galit sa Sistema

IBUHOS MO ANG GALIT SA SISTEMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Panahon nang baguhin itong gobyerno
At ibagsak ang paghahari ng trapo
Ang galit mo sa kanila'y ibuhos mo
Kung iyan ang ambag mo sa pagbabago.

Kaytaas ng presyo ng mga bilihin
Ang taumbayan pa'y kaytinding gipitin
Itong pangulo pa'y milyon ang kinain
Sa isang hapunan sa dayong lupain.

Tuloy ang pagpiga sa lakas-paggawa
Nitong kapital sa mga manggagawa
Dinedemolis pa ang bahay ng dukha
Sadyang itong bayan ang kinakawawa.

Sinisira nila pati kalikasan
Lupa, tubig, dagat at mga tirahan
Ng hayop at isda'y nagkakaguluhan
Kalikasan nati'y nagbagong tuluyan.

Sistemang kapital itong sumisira
Sa buhay na likas at buhay ng madla
Dapat ang sistema'y atin nang magiba
Palitan ng bago't sistemang sariwa.

Ibuhos natin ang galit sa sistema
Upang mapalaya ang masa sa dusa
Lagyan ng direksyon ang pakikibaka
Upang magtagumpay ang layon ng masa.