Huwebes, Abril 15, 2021

Ayokong matulad kay Sigesmundo

makata'y mayroong babalang mahigpit
na sa kanyang obra'y kanyang iginiit
ngalang Sigesmundo ay kanyang nabanggit
sino kaya iyong animo'y kaylupit

nakilala natin, ngalang Sigesmundo
sa obrang Florante at Laura, bayan ko,
na akda ng ating makatang totoo
"Sa Babasa Nito" ay sinulat ito:

"Hanggang dito ako, O nanasang pantas,
sa kay Sigesmundo'y huwag ding matulad;
Sa gayong katamis wikang masasarap
ay sa kababago ng tula'y umalat."

marami rin akong tulang ineedit
may ilang salitang babaguhing pilit
dapat lang mag-ingat baka tula'y umid
pumakla ang himig, umalat ang tinig

at kay Sigesmundo'y ayokong matulad
saknong na mapakla'y isusukang sukat
baka maalat pa sa tabsing sa dagat
kung sa pagtula ko'y hindi mag-iingat

- gregoriovbituinjr.

Tula sa kamatis

TULA SA KAMATIS

maraming salamat sa kamatis
bukod sa pampakinis ng kutis
at pantanggal ng umay at inis
panagip din sa gutom at amis

lalo't lockdown dahil sa pandemya
kaya sa opis lang nakatengga
paano lalamnan ang sikmura
kung sa palengke'y di makapunta

tatlong linggong lockdown ay kaybilis
mabuti na lang at may kamatis
na pinadala noon ni misis
ito'y tatlong linggong pagtitiis

nilagay sa ref kaya meron pa
sa araw-gabi'y ulam talaga
buti na lang at di nasusuka
o naumay, paulit-ulit na

minsan nga'y hilaw kong kakainin
o may kasamang toyo sa kanin
o di kaya'y bagoong o asin
o ito'y igigisa ko na rin

kaya salamat po sa kamatis
kasanggang tunay, walang kaparis
sa tatlong linggo kong pagtitiis
nasagip sa gutom, walang mintis

- gregoriovbituinjr.

Mga isla ng Pinas, sinasakop ng Intsik?

MGA ISLA NG PINAS, SINASAKOP NG INTSIK?

mga isla ng Pilipinas ay sinasakop daw
ng mga Tsino, bansang dragon laban sa kalabaw
tila ba sa likod ay tinarahan ng balaraw
ang bayan nang sinaklot ng dambuhalang halimaw

kahit di makabayan, alam na ganito'y mali
na para sa Tsina, kanila itong pag-aari
inaangkin din ng Pilipinas, di ko mawari
kung ganitong mga akto'y pananakop ang sanhi

may nagsabi pa, tayo'y David at sila'y Goliath
anong laban daw natin kung sila na ang katapat
sa mga bakuna'y dapat daw tayong pasalamat
sa Tsina't huwag na raw umangal, isa pang banat

madadaan ba sa usapang pangkapayapaan
ang nakikita nating pananakop ng dayuhan
dapat pa ring maghanda sakaling magkadigmaan
upang tuluyang mapalayas ang bansang haragan

kanila raw kasi ang dagat kaya South China Sea
aba, huwag kasi itong tawaging South China Sea
sa atin namang bansa'y hindi na West Philippine Sea
mas maganda pang tawagin itong Southeast Asian Sea

dapat walang mag-aangkin ditong isa mang bansa
kundi pakinabangan ng mga kalapit-bansa
kolektibong paunlarin ang dapat na adhika
upang lahat ng naroroon ay maging payapa

- gregoriovbituinjr.

Mga lumang pampleto sa baul

MGA LUMANG PAMPLETO SA BAUL

iba't ibang isyu ng paggawa
ang nariritong nalalathala
nakita sa baul, lumang-luma
at naaalikabukan pa nga

pawang natatagong dokumento
hinggil sa mahahalagang isyu
na talagang kung babasahin mo
sadyang mapupukaw kang totoo

bakit A.J. ay dapat tanggalin
minimum na sweldo'y pataasin
anong mga karapatan natin
kalusugan sa trabaho'y kamtin

"Tao'y Di Kalakal!" sabi roon
paglaban sa trafficking ang layon
may pang-obrerong organisasyon
may hinggil naman sa transportasyon

mga pampletong mahahalaga
na dapat ibahagi sa masa
bakasakaling matuto sila
na labanan ang kapitalita

pagkat sistemang kapitalismo
ay mapagsamantalang totoo
sistemang bulok ng tuso't trapo
na dapat baguhin ng obrero

- gregoriovbituinjr.

Ang makatang walang tigil

basta sulat na lamang ng sulat, katha ng katha
walang tigil na sa papel laging nakatunganga
animo'y kayraming paksang nakaimbak sa diwa
lakad ng lakad, panhik manaog, gala ng gala

at sa napiling tungkulin ay nanatiling tapat
kahit tulog, naglalakbay pa rin ang diwang salat
upang mahanap ang paksang di pa alam ng lahat
wala pa ring pahinga, tila ba di mo maawat

himbing na tinatahi-tahi ng diwang malaya
ang samutsaring isyu't paksang pupukaw sa madla
madaling araw pa lamang ay gising na ang diwa
almusal na sa umaga ang pagkatha ng tula

bili ng aklat, basa, aral, nilay, pagsusuri
sa lipunan ng elitista't naghaharing uri
ang pagsasamantala sa masa'y di na mawari
kaya sa tula'y binibira ang makitang mali

paumanhin kung nakilalang ganyan na sa buhay
araw-gabi'y laksa ang mga paksang naninilay
kayraming talakay ng dati'y makata ng lumbay
na pangarap maitayo'y isang lipunang pantay

ngayon, isang makatang sa pagkatha'y walang tigil
na tanging kamatayan lamang ang makapipigil
para sa hustisyang panlipunan, laban sa taksil
para sa karapatan, kalaban ng maniniil

- gregoriovbituinjr.