Martes, Pebrero 22, 2022

02.22.2022

02.22.2022

anim na numero dos, aba'y kayganda ng petsa
ano ang tanda sa sipnayan o matematika?
makakamit ba ng masa ang asam na hustisya?
at masasalba ba mula sa pagsasamantala?

may ano sa anim na parehong numerong iyon?
at may diyalektika ba riyan o nagkataon?
o kaya'y naghahanap lang ng tanda kung mayroon
upang kunwari'y umunlad tayo sa ngalan niyon

anim na beses mo kayang dos ay imultiplika
ang sagot ay bilang ng parisukat sa chess, di ba?
anong kayang tanda nito sa trigonometriya?
o kaya'y sa calculus o maging geometriya?

oo, nagkataon lang na petsa'y may anim na dos
di nito mabago ang buhay na kalunos-lunos
ng mga dukhang bihi-bihira lang makaraos
kung sistema'y mabago ay dahil masa'y kumilos

tigib sa pagkaunsyami ang maraming timbangan
na di pa maapuhap ang hustisyang panlipunan
di magagap na sa petsang iyan ay malinawan
kung anong itsura ng pag-alpas sa karukhaan

- gregoriovbituinjr.

Sa rali

SA RALI

patuloy akong sumasama
sa mga rali sa kalsada
upang mga isyu't problema'y
malutas, kamtin ang hustisya

nakakadaupangpalad ko
ang samutsaring guro rito
sila'y mga lider-obrero't
lider-maralitang narito

minsan, bumibigkas ng tula
ang tulad kong abang makata
hinggil sa samutsaring paksang
pulitikal para sa madla

kaya ko pinaghahandaan
ang bawat rali sa lansangan
upang ipakita sa bayan
sila'y aming pinaglalaban

taospusong pasasalamat
pag naaanyayahang sukat
upang makasama ng bawat
nagraraling may diwang mulat

- gregoriovbituinjr.
02.22.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa isang rali niyang nilahukan

Hawak-kamay

HAWAK-KAMAY

iniibig ko ang diwatang
sa ganda'y nakakatulala
gayong sa iba'y isang mutyang
payak pag natanaw ng madla

sa diwata kasi pumintig
ang pusong puno ng ligalig
anong lamyos ng kanyang tinig
pag umawit, ako'y nakinig

sa diwata lang pumanatag
ang iwing pusong dati'y hibang
kasama siya sa magdamag
at di na ako naiilang

hawak-kamay kaming dalawa
kahit na saanman magpunta
sa panaginip man magkita
magkasama pa rin tuwina

isa mang makata ng lumbay
ang sa diwata'y nakasilay
may mga kathang naninilay
na sa tanging pag-ibig alay

- gregoriovbituinjr.
02.22.2022