Sabado, Nobyembre 13, 2021

Mapulang hasang

MAPULANG HASANG

namumula ang hasang, kapara'y sariwang isda
na sa anupamang sagupaan ay laging handa
tila bakal ang kaliskis nilang nakahihiwa
habang sugatang makata'y tila di makakatha

dapat magpalakas, muling papulahin ang hasang
bagamat di na pwedeng maging manggang manibalang
di man maging galunggong ay pating na kung sa gulang
may karamdaman man, bumabalik ang dating tapang

di dapat laging putla ang hasang, kundi'y mapula
may sakit man ay titindig ng matikas sa masa
kumbaga'y kaya pa ring tanganan ang manibela
na malalim man ang tubig ay kayang sisirin pa

dapat pula pa rin ang hasang ng tulad kong tibak
upang patuloy na ipagtanggol ang masa't hamak
upang mapalago pa ang tinanim sa pinitak
upang makata'y di naman gumagapang sa lusak

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Tahimik man

TAHIMIK MAN

di ako nananahimik kahit mukhang tahimik
dahil ramdam ng puso't diwa ko ang mga hibik
ng mga pinagsamantalahan at pinipitik,
ng mga tinotokhang, ng binabaon sa putik,
pati nalulunod sa laot ng upos at plastik

malapit na ang Dakilang Araw ni Bonifacio
at Daigdigang Araw ng Karapatang Pantao
tahimik man ay di natatahimik ang pluma ko
buong puso't kaluluwa'y titindig pa rin ako
upang magpahayag at tumula sa entablado

para sa kalikasan at hustisyang panlipunan
nais kong maglakad muli sa landas na putikan
di ako matatahimik pag ako'y wala riyan
pakiramdam ko'y sinikil ang aking karapatan
na para bang nakamtan ko na'y luksang kamatayan

tahimik lang ako, subalit di nananahimik
tahimik man ako ngunit ayokong manahimik
sige, subukan lang nilang ako'y mapatahimik
subalit aking pluma'y tiyak na di tatahimik
tanging sa kamatayan lang ako mananahimik

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Bitamina D

BITAMINA D

bakit ang manok ay nag-iisang nagpapainit
nakasalampak lang sa yerong tiyak nang mainit
nais magpalakas, sa sarili'y may malasakit
di man samahan ng mga manok na makukulit

nagsa-sunbathing kahit wala sa dalampasigan
natanaw ko lang siya't agad na nilitratuhan
anumang kwento niya'y wala akong kabatiran
bakit siya nagpapainit ay tulad ko rin lang

kapara ng Mulawin na sa araw nagmumula
ang lakas upang mga katawan nila'y sumigla
tulad ko ring nagpapaaraw sa umaga pa nga
upang Bitamina D ay makamtan nating sadya

wala man tayong ugatpak tulad nilang Mulawin
pagpapainit sa araw ay magandang mithiin
pagpapalakas ng katawan ang ating layunin
upang anumang sakit ay mapaglaban natin

magpaaraw at palakasin ang buto't kalamnan
upang Bitamina D ay taglayin ng katawan
ngunit di sa tanghaling tapat, kundi umaga lang
sapat na init lang upang sakit ay maiwasan

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Aliwan

ALIWAN

aliwan ko na ang pagsagot sa palaisipan
na sa libreng oras ay sadyang kinagigiliwan
pinakapahinga ko na ang nasabing aliwan
sagot lang ng sagot at matututo ka rin naman

aba'y kayrami ko na palang nabiling ganito
natapos ko ang iba't minsan binabalikan ko
ang mga salitang sinasama sa tula't kwento
sadyang kapaki-pakinabang ang libangang ito

may nakakalito rin minsan sa mga katagâ
kaya susuriin mo ang pahalang at pababâ
pag natiyak ang tamang sagot, ilagay mong sadyâ
may salitâ ngang dito lang nabatid ng makatâ

tarang maglibang, sa palaisipan ay magsagot
sa una lang naman ang noo mo'y mapapakunot
ngunit masasagutan mo't di na pakamot-kamot
at kasiyahan ang tiyak sa iyo'y idudulot

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Halamang gamot

HALAMANG GAMOT

may dalawang pampletong dapat ko palang basahin
hinggil sa halamang gamot na marapat alamin
sa sakit ko'y anong magandang katas na inumin
mula sa halamang gamot, ito'y dapat aralin

magbasa muna, sa dalawang pampleto'y tumuon
una'y nabili ko noon pang nakaraang taon
ikalawang pampleto'y nabili ko lang kahapon
napadaan sa bilihan at natsambahan iyon

nakita sa check up, mayroon akong diabetes
na sanhi kaya may pulmonary tuberculosis
ano bang halamang gamot upang ito'y maalis
o kaya tinamaang baga't bituka'y luminis

kumain ng kasoy, di ang buto, kundi ang bunga
ilaga ang dahon at bulaklak ng sitsirika
ilaga ang balat ng puno't dahon ng banaba
at pakuluan din ang dahon ng Damong Maria

sa dahon at ugat naman ng kogon ay gayon din
sa T.B., bulaklak ng lagundi'y ilaga mo rin
pinakuluang ito'y parang tsaa mong inumin
ito'y isang pag-asa upang tuluyang gumaling

kaya naisip kong magsimulang magtanim bukas
kahit sa pasô ng mga itong ating panlunas
di lamang upang magamot kundi upang lumakas
taospusong pasasalamat na ito'y nawatas

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Paksâ

PAKSÂ

samutsaring paksa'y napulot ko sa panaginip
o kaya ay gising na ako habang nakapikit
gising ang diwa, nagninilay habang naiidlip
kaya kung anu-ano ang naritong nalilirip

pag nakakita ka ng bangin, huwag kang tatalon
pag nalanghap ay sariwang hangin, huwag lumulon
pag nakukuha ka sa tingin, huwag mong ituon
pag nakita'y bakbakan, saan ka naglilimayon

panaginip ang naiisip habang natutulog
ngunit agad magigising pag narinig ang kulog
parang totoo ang pelikula, buti't niyugyog
kasama bilang aktor sa Titanic na lumubog

sinabi sa panaginip ang samutsaring paksâ
ibinulong ng diwata ano bang itutulâ
kaya ngayong pagkagising ay tila namamanghâ
buti't di namamanglaw kundi ngayon ay masiglâ

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021