Huwebes, Oktubre 28, 2021

Kapasyahan

KAPASYAHAN

ang walo'y nagkatipon
animo'y nagpupulong
kayo na rin ba'y gutom
sa bawat isa'y tanong

hintaying tayo'y bigyan
ng bigas o anuman
sakaling wala naman
sa lupa'y kumahig lang

napagpasyahan nila
laging magsama-sama
mangitlog man ang isa
salamat sa biyaya

pag gabi na'y matulog
at humapon pag antok
pag araw na'y pumutok
tara't magsitilaok

- gregoriovbituinjr.
10.28.2021

Samutsaring nilay

SAMUTSARING NILAY

ang alapaap animo'y muling napagmamasdan
subalit nakatitig lamang pala sa kawalan
habang siko'y nasa pasimano ng durungawan
ay kung anu-ano ang sa isip ay nag-indakan

O, daigdig, manggagawa'y dapat magkapitbisig
upang uring mapagsamantala'y mapag-uusig
ang impit at daing ng mga api'y naririnig
hustisyang asam sa puso ng dukha'y nananaig

minsan, una kong tira'y e4, opening Ruy Lopez
paano pag nag-Sicilian ang katunggali sa chess
imbes na nag-e5 ay c5 ang tirang kaybilis
ani Eugene Torre, ang buhay nga'y parang ahedres

O, kalikasan, bakit ka nila pinabayaan?
bakit karagatan mo'y nagmistulang basurahan
bakit ba dapat alagaan ang kapaligiran
wala mang pakialam ang tao sa kapwa't bayan

- gregoriovbituinjr.
10.28.2021

Puno

PUNO

pagmasdan mo ang mga punò sa katabing gubat
tingnan mo ang mga tindig nila't nakagugulat
tila bantay sa sukal habang napapamulagat
tila tanod sa dawag na sa iyo'y nanunumbat

animo'y karit ni Kamatayan ang isang sanga
na parang handa kang hatawin kapag nangambala
may mahahabang sanga ring tila yayakapin ka
marahil mga tuod na nagkadahon lang sila

pagsapit ng dapithapon, mawawala ang lilim
dadantay sa katawan mo't pisngi'y sariwang hangin
puno'y nag-iindakan pagsapit ng takipsilim
kasabay ng amihan at alitaptap sa dilim

diwa ng makata'y inaakit ng mga punò
guniguni ng manunula ang nirarahuyò
may diwata ba roong sa makata'y nanunuyò
bagamat lalamunan ko naman ay nanunuyô

- gregoriovbituinjr.
10.28.2021