Lunes, Mayo 12, 2014

Kay Jenny - tula ni Karl Marx

KAY JENNY
Tula ni Karl Marx, Nobyembre 1836
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Jenny! Walang biro, ikaw ay kinakailangan
Kung bakit ang awit kong "Kay Jenny"'y para sa iyo
Na sa iyo lang pulso ko'y kaybilis nang pumintig
Na mga awit ko lang sa iyo'y walang pag-asa
Na ikaw lang ang nagpapasigla ng puso nila
Na bawat pantig ng pangalan mo'y nagpahayag
Na maindayog mong pinahiram ang bawat nota
Na walang hiningang maligaw mula sa Diyosa?
Pagkat napakatamis dinggin ng iyong pangalan
At sa aki'y napakatindi ng indayog niyon
Napakabuo, tumataginting ang tunog niyon
Ang kapara'y masiglang diwa sa may kalayuan
Ang kapara'y ang saliw ng gintong kwerdas ng lira
Tulad ng ilang kagilagilalas na pag-iral


TO JENNY
A poem by Karl Marx

Jenny! Teasingly you may inquire
Why my songs "To Jenny" I address,
When for you alone my pulse beats higher,
When my songs for you alone despair,
When you only can their heart inspire,
When your name each syllable must confess,
When you lend each note melodiousness,
When no breath would stray from the Goddess?
'Tis because so sweet the dear name sounds,
And its cadence says so much to me,
And so full, so sonorous it resounds,
Like to vibrant Spirits in the distance,
Like the gold-stringed Cithern's harmony,
Like some wondrous, magical existence.

* Ang sonetong "Kay Jenny" ay isa lang sa mga tula ni Karl Marx na may gayon ding pamagat.

Payo sa mahal kong anak

PAYO SA MAHAL KONG ANAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

maging matuwid ka, aking anak
upang ikaw ay di mapahamak
at upang di ka rin hinahamak
ng mga balisawsaw ang utak
daanin mo na lang sa halakhak
ang pamimintas ng mapangyurak
unawain na lang silang tunggak
at layuan na lang sila, anak

maging makatarungan ka, bunso
upang ikaw ay di masiphayo
at nang iyong puso’y di magdugo
prinsipyo mo’y di dapat maglaho
kung sa kanila, dugo'y kumulo
huwag patulan silang hunyango
unawain na lang sila, bunso
sa kanila'y huwag kang humalo

anak, maging mapagpatawad ka
bahaginan ng galak ang iba
kung sakaling sinisiraan ka
huwag pansinin ang tulad nila
magpakatao't manindigan ka
sa bawat adhika’y humayo ka
kung sa tingin mo'y ikagaganda
ng buhay mo, lalo na ng masa

anak, sa tama ka lang pumanig
tiyaking prinsipyado ang tindig
labanan mo't dapat mong mausig
ang mga tiwaling panay hamig
huwag hayaang kapwa'y malupig
ng mapang-api’t kanilang kabig
anak, sa wasto lagi sumandig
puso mo'y punuin ng pag-ibig

Dukha man kami, may nakalaan ding langit

DUKHA MAN KAMI, MAY NAKALAAN DING LANGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dukha man kami, may nakalaan ding langit
langit na ang karapatan ay nakakamit
na dangal ng dukha'y di ipinagkakait
maging sa dukhang babae, matanda't paslit

ngunit dapat na ito'y ating ipaglaban
kung nais nating ito'y tuluyang makamtan
itatayo ang langit sa sangkalupaan
at isisilang ang isang bagong lipunan

halina, maralita, magkaisang lubos
at organisahin ang lahat ng hikahos
huwag maghintay ng sinumang manunubos
katubusan nati'y nasa ating pagkilos

naghihirap at pinahihirapang masa
sa pangarap na ito'y dapat magkaisa
pagkat langit din ay ating matatamasa
kung mapalitan itong bulok na sistema

"Bakit walang pagkain ang dukha?" - Obispo Camara

"BAKIT WALANG PAGKAIN ANG DUKHA?" - Obispo Camara
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

“When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist.” ~ Dom Hélder Câmara, Archbishop of Brazil

Minsan nga'y sinabi ni Obispo Camara:
"Nang bigyan ko ng pagkain ang maralita
Tinawag nila akong santong pinagpala.
Tanong ko: 'Bakit walang pagkain ang dukha?’
Aba't tinawag agad akong komunista!"

Pagtanong ng 'Bakit?' ba'y isang kahangalan?
Komunista ka na kung nais mong malaman
Kung bakit may naghihirap at may mayaman?
Kung bakit sa gobyerno'y maraming kawatan?
Kung bakit ang serbisyo'y pinagtutubuan?

Bakit umiiral ang pagsasamantala?
Bakit naghahari'y uring kapitalista?
Bakit pawang tubo ang nasa isip nila?
Bakit laging kinakawawa itong masa?
Bakit dapat baguhin na itong sistema?

Ang pagtatanong ng 'Bakit?' ay tama lamang
Ito'y upang malaman ang mga dahilan
Ng mga nangyayari sa ating lipunan.
Pagtatanong na ito'y isang karapatan
Ng mga taong may tunay na karangalan.