Lunes, Mayo 12, 2014

Payo sa mahal kong anak

PAYO SA MAHAL KONG ANAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

maging matuwid ka, aking anak
upang ikaw ay di mapahamak
at upang di ka rin hinahamak
ng mga balisawsaw ang utak
daanin mo na lang sa halakhak
ang pamimintas ng mapangyurak
unawain na lang silang tunggak
at layuan na lang sila, anak

maging makatarungan ka, bunso
upang ikaw ay di masiphayo
at nang iyong puso’y di magdugo
prinsipyo mo’y di dapat maglaho
kung sa kanila, dugo'y kumulo
huwag patulan silang hunyango
unawain na lang sila, bunso
sa kanila'y huwag kang humalo

anak, maging mapagpatawad ka
bahaginan ng galak ang iba
kung sakaling sinisiraan ka
huwag pansinin ang tulad nila
magpakatao't manindigan ka
sa bawat adhika’y humayo ka
kung sa tingin mo'y ikagaganda
ng buhay mo, lalo na ng masa

anak, sa tama ka lang pumanig
tiyaking prinsipyado ang tindig
labanan mo't dapat mong mausig
ang mga tiwaling panay hamig
huwag hayaang kapwa'y malupig
ng mapang-api’t kanilang kabig
anak, sa wasto lagi sumandig
puso mo'y punuin ng pag-ibig

Walang komento: