"BAKIT WALANG PAGKAIN ANG DUKHA?" - Obispo Camara
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
“When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist.” ~ Dom Hélder Câmara, Archbishop of Brazil
Minsan nga'y sinabi ni Obispo Camara:
"Nang bigyan ko ng pagkain ang maralita
Tinawag nila akong santong pinagpala.
Tanong ko: 'Bakit walang pagkain ang dukha?’
Aba't tinawag agad akong komunista!"
Pagtanong ng 'Bakit?' ba'y isang kahangalan?
Komunista ka na kung nais mong malaman
Kung bakit may naghihirap at may mayaman?
Kung bakit sa gobyerno'y maraming kawatan?
Kung bakit ang serbisyo'y pinagtutubuan?
Bakit umiiral ang pagsasamantala?
Bakit naghahari'y uring kapitalista?
Bakit pawang tubo ang nasa isip nila?
Bakit laging kinakawawa itong masa?
Bakit dapat baguhin na itong sistema?
Ang pagtatanong ng 'Bakit?' ay tama lamang
Ito'y upang malaman ang mga dahilan
Ng mga nangyayari sa ating lipunan.
Pagtatanong na ito'y isang karapatan
Ng mga taong may tunay na karangalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento