KUNG PARA SA SARILI'Y DI KAYANG MAGREBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
kalayaan ng uri, paglaya ng iyong uri
mula sa sinumang naghaharing mapang-aglahi
anumang pribadong pag-aari'y dapat mapawi
ang lakas ng uring manggagawa'y dapat mabawi
halina, kaibigan, magsikilos tayo ngayon
ibagsak natin yaong nag-aastang panginoon
ang panginoong maylupa't kapitalistang maton
silang mga ganid sa puso't yaman nitong nasyon
pinapangarap natin ang isang mundong malaya
na di pinagsasamantalahan ang manggagawa
daigdig na kinikilala ang dangal ng madla
at tinataguyod ang kapakanan ng paggawa
sistemang umiiral ngayon ay sadyang mabagsik
mapangyurak sa masa, naghahari'y mabalasik
kung para sa sarili'y di mo kayang maghimagsik
gawin ito para sa mga anak mong tangkilik
abutin natin ang magagandang adhika't rason
hanggang maitayo yaong lipunang nilalayon
kung para sa sarili'y di kayang magrebolusyon
gawin ito para sa susunod na henerasyon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento