Sabado, Agosto 17, 2019

Ipagtanggol ang Wikang Filipino

IPAGTANGGOL ANG WIKANG FILIPINO

tuwing buwan ng Agosto
inaalala ng tao
itong wikang Filipino
pagkat wika natin ito

mahalaga ang wika
lalo’t wika nating dukha
dito nagkakaunawa
magkababayan at madla

wikang ito'y ipagtanggol
laban sa maraming ulol
putik nilang kinulapol
sa ating wika'y di ukol

wikang ito raw ay bakya
pagkat salita ng dukha
tayo ba'y kinakawawa
ng gagong astang dakila

wika nati’y ipaglaban
laban sa gago’t haragan
ito ang wika ng bayan
na dapat nating ingatan

sinuman ang maninira
tatawagin itong bakya
sila’y talagang kuhila
taksil sa sariling wika

wikang Filipino’y atin
wikang sarili’y linangin
atin itong paunlarin
at lagi nating gamitin

manggagawa, maralita
pagpalain nyo ang wika
kayong kasangga ng madla
upang umunlad ang bansa

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Agosto 16-31, 2019, p. 20

Sa ika-25 taon sa P

SA IKA-25 TAON SA P
(Agosto 17, 2019)

sang-ayon ako sa landas na bihirang tahakin
kaya sinuong iyon, may panganib mang harapin
niyakap ang pagpupultaym anuman ang lasapin
upang ipalaganap ang niyakap na layunin

mula publikasyon ng pinasukang pamantasan
ay nagsulat din sa pangmanggagawang pahayagan
dukha'y inorganisa, inaral din ang lipunan
patuloy na sumusuporta sa mga aklasan

sumumpang lalabanan ang kapitalistang ganid
dudurugin ang sistemang kabulukan ang hatid
ideyolohiya ng manggagawa'y ipabatid
ipagtatanggol ang mga sosyalistang kapatid

kaya sa ikadalawampu't limang taon dito
mula nang sa banderang pula'y sumumpang totoo
naririto pa rin kasama ang uring obrero
nagsasanay, kumikilos para sa sosyalismo

- gregbituinjr.